Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang talento niya sa pagluluto sa kaniyang latest vlog nitong Linggo, Mayo 5.
Sa isang bahagi ng naturang vlog, naitanong sa pangulo kung anong pagkain ang pinakamagaling niyang lutuin.
“Ang talent ko sa pagluluto ay hindi sa isang klaseng cuisine. Ang talent ko sa pagluluto ay kaya kong gumawa ng pagkain kahit na anong laman ng refrigerator saka mga de-latang naiwan,” saad ni Marcos.
“Kasi nasanay ako na napakatagal nag-iisa ako. Bachelor ako nang matagal, e. ‘Pag bachelor ka ‘di ka masyadong nagsha-shopping,” aniya.
Dagdag pa niya: “Isa pang talent ko sa pagluluto, isa lang ang gagamitin kong kalan. Tapos kung minsan, isang plato lang. Kung minsan ‘di na nga plato, doon na lang sa lutuan kakainin.”
Samantala, sa huling bahagi naman ng vlog ay nanawagan ang pangulo na patuloy na suportahan ang mga lokal na pagkain at ang micro, small, and medium enterprises o MSME sa Pilipinas.