Emosyunal na inamin ni Optimum Star Claudine Barretto na maging siya ay nakaramdam ng pagsisisi sa nakagugulat na pagkamatay ng kaniyang ex-boyfriend na si Rico Yan noong Marso 29, 2002, dalawang dekada na ang nakalilipas.

Isinalaysay ni Claudine kay Ogie Diaz ang mga detalye tungkol sa kontrobersiyal na pagpanaw ng aktor, at "isinisi" sa kaniya ang mga nangyari dahil daw sa umano'y pagkaka-link niya kay Raymart Santiago nang mga panahong iyon, na naging dahilan daw kung bakit nalungkot nang husto si Rico.

Ngunit pinabulaanan ni Claudine ang mga paratang na niloko niya si Rico. Aniya, ilang buwan bago mangyari ang insidente ay hiwalay na sila ni Rico kahit nakatira pa sila sa iisang bubong.

Nagdesisyon daw silang huwag munang maghiwalay ng bahay dahil sa trabaho.

Tsika at Intriga

Anthony Jennings, hindi raw nag-delete ng convo kaya nahuli sey ni Xian Gaza

Nang pumasok daw si Raymart sa eksena para manligaw, hiwalay na sila ni Rico. Nang mga sandaling iyon ay hindi pa niya sinasagot ang action star.

March 29 ng gabi ay labis daw na pinagsisihan ni Claudine dahil binlock daw niya ang cellphone number ni Rico nang tumatawag daw sa kaniya. Intentional daw na hindi niya sinagot ang mga tawag nito. Nagkataon naman daw na nasa Subic ang pamilya ni Claudine at ni Raymart, kaya nang mabalitaan nila ang pagpanaw ng aktor ay magkasama sila, gayundin ang pamilya Barretto.

Nang tanungin ni Ogie kung feeling ba ni Claudine ay kasalanan niya ang nangyari kay Rico, iniisip na lang ni Claudine na palagay niya, iyon ang pinakamalaking dahilan ngayon ng "karma" niya.

Kung sinisisi man daw siya noon ng mga tao at halos ipako sa krus dahil siya ang itinuturong dahilan kung bakit namatay si Rico, "million times" daw ang nararamdaman niya.

"'Yong time na parang kinu-crucify at galit na galit 'yong mga tao sa akin, at sinasabi na pinagpalit ko si Rico, alam ng Diyos, mawala na lahat ng mga taong mahal ko, pero never ko niloko si Rico. Ang kuwestyon ko nga eh, kung ako 'yong namatay, gano'n din ba ang gagawin 'yo kay Rico? 'Yon na rin ba 'yong pagdadaanan niya? Kasi ayokong mapagdaanan niya 'yong pinagdaanan ko. Ikukuwestyon din ba 'yong mga natsismis sa kaniya? Ipipilit ba na totoo 'yon?"

"During that time na kinu-crucify ako ng mga tao at sinasabi nila na kasalanan ko, ang hindi alam ng tao, ako rin, sinisisi ko rin 'yong sarili ko. Na sana, mas maging compassionate or understanding 'yong tao, kasi kung pina-punish n'yo 'ko, pina-punish ko rin 'yong sarili ko. Kung galit kayo sa akin, mas galit ako sa sarili ko," aniya.

Kaya ang pagsasalita at pagbubukas daw niya ngayon ay hindi panggagamit sa pangalan ni Rico kundi upang matuldukan na ang maraming haka-haka tungkol sa mga nangyari.

MAKI-BALITA: Claudine, inaming hiwalay na sila ni Rico kahit nagli-live in pa