Tila may sagot ang showbiz columnist na si Cristy Fermin para sa mga bumabatikos sa aktor na si Philip Salvador matapos nitong ideklara ang pagkandidato bilang senador sa Halalan 2025.

Diskumpiyado kasi ang maraming netizen na magagampanan ni Philip ang tungkulin bilang senador kung sakaling manalo siya sa naturang halalan sapagkat hindi raw nito magawa ang responsibilidad bilang ama sa anak nila ni Queen of All Media Kris Aquino na si Josh.

Pero sa latest episode ng “Showbiz Now Na” nitong Sabado, Mayo 4, sinupla ni Cristy ang mga pahayag na ito at sinabing si Kris daw ang mismong nagkait kay Philip ng anak nila.

“Hindi pa po nagsasalita si Philip Salvador hanggang ngayon sa kabila ng mga isyu na ibinabato sa kaniya. Pero alam n’yo po, ‘pag siya ang nagsalita malilinawan din natin kung ano ba ‘yong naging istorya nila ni Kris Aquino,” pahayag ni Cristy.

“Unang-una, si Josh ang apelyido niya e Aquino. Kay Kuya Ipe [Philip]  nakalagay ang apelyido ni Josh noong ipanganak. Pero binawi ni Kris Aquino at sinabihan siya ng mommy niya dahil hindi naman sila kasal. Na tama naman,” aniya.

Dagdag pa niya: “Pero syempre, nando’n ‘yong sakit ng loob ng isang ama. Na nasa pangalan na niya si Josh binawi pa at ginawa pang Aquino mula sa Salvador.”

Matatandaang inendorso na si Philip ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) noong ipagdiwang kamakailan ang 42nd anniversary event nito sa Cebu City.

MAKI-BALITA: Phillip Salvador tatakbong senador sa 2025, inendorso ng PDP