Tutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga jeepney driver na maapektuhan ng ipinatutupad na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

“Ang DSWD ay nakahanda na magbigay ng tulong doon sa ating mga kababayan na maapektuhan. Sa ngayon ay wala pa tayong natatanggap na impormasyon, but of course, kung mayroong lumapit at humingi ng request, ito naman ay agarang tutugunan ng DSWD," ani DSWD Assistant Secretary for Disaster Response Management Group Irene Dumlao.

Aniya, isasailalim muna sa assessment ng ahensya ang mga driver bago sila makatanggap ng tulong ng pamahalaan.

“It will be, however, subject to the assessment of our social workers para matiyak natin kung ano ba iyong kaukulang tulong or interventions na nararapat na iparating sa kanila," anang opisyal.

National

De Lima sa paggamit ng Duterte sa People Power: 'Galit sa mga aktibista pero gusto magpa-rally'

Naglaan na ang DSWD ng food o cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at livelihood programs sa ilalim naman ng Sustainable Livelihood Program (SLP).

Matatandaang natapos na ang April 30 deadline ng gobyerno upang makapag-consolidate ng prangkisa ang mga operator ng PUV. 

Nauna nang sinabi ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board na ipapawalang-bisa nila ang prangkisa ng mga PUV na hindi nagpa-consolidate.

Tiniyak din ng ahensya na bibigyan muna nila ng sapat na panahong makabiyahe ang mga nasabing PUV bago sila hulihin. 

PNA