Suspek sa pagpatay sa broadcaster sa North Cotabato, tiklo
Naaresto na ng pulisya ang isa sa suspek sa pagpatay kay radio broadcaster Eduardo “Ed” Dizon sa Kidapawan City, North Cotabato noong 2019.
Ito ang inihayag ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Undersecretary Paul Gutierrez nitong Biyernes batay na rin sa ulat ng Special Investigation Team (SIT) na may hawak ng kaso.
Tinukoy ng pulisya ang suspek na si Junell Jane Andagkit Poten, alyas "Junell Gerozaga," 33, na dinampot ng pulisya sa Barangay Saguing, Makilala, Cotabato nitong Huwebes ng gabi.
Si Poten ay itinuturong suspek sa pamamaril kay Dizon ng Brigada News FM, noong Hulyo 10, 2019.
“These accomplishments by the government again prove that no one can escape from the long arms of the law and that thru the PTFoMS guiding its member-agencies, it has an effective and working mechanism to address all violence against the life, liberty, and security of all members of the media," ani Gutierrez.
Kamakailan, pinawalang-sala ng hukuman ang isa sa mga suspek na si Sotero Jacolbe habang pinayagan namang ng korte na makapagpiyansa ng umano'y mastermind na si Dante Encarnacion Tabusares (alyas Bong Encarnacion), noong Marso 11.
Naiulat na plinano ng mga suspek na patayin si Dizon dahil binabanatan umano nito si Encarnacion at ang KAPA Ministry na isinara ng pamahalaan noong 2019 dahil sa pagiging front ng financial scam.
PNA