Iginiit ng isang mambabatas na ang testimonya ng isang dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent, na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iligal na droga, ay bahagi ng pinalaking pagsisikap na siraan ang kasalukuyang administrasyon.

Sa isang press conference nitong Huwebes, Mayo 2, kinuwestiyon ni House Deputy Majority Leader Tingog Party-list Rep. Jude Acidre kung bakit umano naging biglang kabahagi ang PDEA agent na si “ Jonathan Morales” ng isang Senate inquiry na pinamumunuan ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa, chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

“Katulad ninyo, naguguluhan din ako kung bakit biglang naipasok si Morales doon sa usapin na alam naman natin na ang pinakalayunin ng hearing sanang 'yun ay mabigyang-linaw ‘yung ukol doon sa mga nakuha nilang illegal drugs sa Batangas,” giit ni Acidre.

Binigyang-diin din ng mambabatas na “nagsisinungaling” umano si Morales sa kaniyang mga testimonya.

National

Maharlika kay Bato Dela Rosa matapos ‘mapikon’: ‘Nagtatanong lang ako’

“Based on the testimony, na mas na-prove pa nating itong si Morales ay nagsisinungaling. Mas nakita natin, na-iprove po ng PDEA, lalo na nang ine-explain po nila na ang lahat po ng operational reports ay computerized at serialized.”

“I think it becomes more clear now that ang mga pangyayaring ito ay kaparte ng isang mas malaki pang effort to discredit and destabilize the current administration,” saad pa ni Acidre.

Matatandaang sa nakaraang Senate hearing na pinamunuan ni Dela Rosa kamakailan, nagbigay ng testimonya si Morales hinggil sa umano'y "authenticity" ng mga nag-leak na dokumento noong 2012 na nagdawit umano sa paggamit ng iligal na droga ni PBBM, na noo’y senador ng bansa, at aktres na si Maricel Soriano.

Gayunpaman, mariing pinabulaanan ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo ang mga pahayag ni Morales, at “non-existent” umano ang naturang mga dokumento.

Ayon pa kay Lazo, wala umanong basehan ang mga alegasyon ni Morales, at bnigyang-diin din na hindi umano dapat umasa ang komite ng Senado sa testimonya ng isang indibidwal na gumawa ng perjury sa pamamagitan ng pagtatago sa kaniyang pagkasibak sa Philippine National Police (PNP) nang mag-apply ito ng trabaho sa PDEA.

KAUGNAY NA BALITA: