Hindi napigilan ng isang lola na humagulgol dahil sa labis na pasasalamat sa natanggap niyang blessings.

Viral ngayon sa TikTok ang video ng ">Misuari Travel & Tours dahil sa pagtulong nila kay lola na nagtitinda ng mais sa Matina Crossing, Davao City.

Trending

Tikiman time! Kakasa ka bang kainin ang Pomegranate?

“Laban lang sa buhay nanay. Maraming salamat panginoon dahil sa binibigay mong opportunity na makatulong pa sa mga tao,” saad ng Misuari sa caption ng video.

Mapapanood sa naturang video ang pagbibigay nila ng grocery items at sako-sakong bigas kay lola.

“Kung sinuman ang nagbigay nito malaking tulong po ito sa akin. Marami pong salamat,” naiiyak na sabi ni lola.

“Ngayon lang ako nakatanggap ng ganito karami. Kung sinuman ang tumulong nagpapasalamat po ako sa inyo. […] Isasali ko kayo sa panalangin ko kung sinuman kayo, lahat-lahat kayo. Lalo na ikaw, sir,” saad pa ni lola.

Patuloy ang hagulgol ni lola dahil sa labis na pasasalamat. Bukod sa grocery at bigas, nagbigay rin ng P10,000 ang Misuari Travel & Tours.

“Marami pong salamat. Itong perang ito ibili ko ng gamot at i-capital ko sa mais. Marami pong salamat wala po akong ibang sasabihin [kundi] maraming salamat po sa inyo,” sabi pa ni lola.

Sinabi rin niya na kaya raw siya umiiyak dahil sa sobrang saya at dahil ngayon lang daw siya nakatanggap ng ganoong karaming blessings.

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa uploader na si Misuari Fernandez Ampatuan, nadadaanan niya si Lola kada umuuwi siya galing trabaho bandang 10PM - 12MN. Kaya minsan daw pinapakyaw raw niya ang mga tindang mais ni Lola.

Naisipan din daw niyang tulungan si Lola dahil naaalala raw niya rito ang kaniyang lola na pumanaw na noong 2012.

Sa kaniya namang Facebook post, inihatid nila si Lola sa bahay nito bitbit ang mga ibinigay nila.

"No'ng pumasok kami sa bahay ni lola grabe yung luha ko kasi napakaswerte pala natin dahil tayo ay nakatutulog at nakahihiga pa tayo nang malambing. Samantala si lola pag mainit ang araw ay lumalabas pa para 'di mainitan sa loob ng kanyang sariling tahanan," saad ni Ampatuan.