Nito lamang Huwebes, Mayo 2, nang mapabalitang hinatulan ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 153 ng habambuhay na pagkabilanggo ang modelong si Deniece Cornejo, businessman na si Cedric Lee at ilan pang mga kasangkot, dahil sa kasong serious illegal detention na isinampa laban sa kanila ni “It’s Showtime” host Vhong Navarro. Nangyari ito isang taon matapos ibasura ng Korte Suprema ang rape at act of lasciviousness charges na isinampa laban kay Navarro.

Narito ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa mga kaso at isyung kinasasangkutan nina Navarro at Cornejo, na nagsimula noong taong 2014.

Enero 22, 2014 - Inakusahan ni Cornejo si Navarro na pinagtangkaan siya nitong pagsamantalahan sa kaniyang condominium unit sa Taguig. Nang gabing iyon, dumating daw ang mga kaibigan ni Cornejo, kabilang na ang businessman na si Cedric Lee, at pinagbubugbog saka umano inaresto si Navarro sa pamamagitan ng “citizen’s arrest.” Bukod sa attempted rape na ikinaso sa comedian-actor, sinabi rin ni Cornejo na ginahasa siya ni Navarro noong Enero 17, 2014.

Enero 28, 2014 - Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) sina Cornejo, Lee, at anim pa nilang kasama, ng mga kasong tulad ng serious illegal detention, serious physical injuries, grave threats, grave coercion, unlawful arrest, at threatening to publish and offer to prevent such publication for compensation. Ito ay kaugnay umano ng nangyaring pananakit kay Navarro na na-ospital ng mga panahong iyon at sumailalim sa operasyon.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Enero 29, 2014 - Isinampa ni Cornejo ang kaniyang unang rape complaint laban kay Navarro.

Pebrero 6, 2014 - Nakalabas sa ospital si Navarro matapos magtamo ng severe injuries.

Pebrero 27, 2014 - Isinampa ni Cornejo ang kaniyang ikalawang rape complaint laban kay Navarro.

Abril 4, 2014 - Ibinasura ng DOJ ang unang rape complaint ni Cornejo dahil umano sa “lack of probable cause.”

Abril 10, 2014 - Inihain ng DOJ ang kasong serious illegal detention at grave coercion sa korte laban kina Cornejo, Lee at iba pa nilang kasama sa pambubugbog kay Navarro. 

Mayo 5, 2014 - Sumuko si Cornejo sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng kinahaharap na kasong serious illegal detention, at naghain ng kaniyang petisyon para makapagpiyansa. Ito ay matapos arestuhin ng NBI si Lee at kasamang si “Zimmer Raz” sa Eastern Samar noong Abril 26, 2024. Iginiit naman ni Lee na hindi siya naaresto dahil kusa raw siyang sumuko.

Hulyo 11, 2014 - Ibinasura ng Office of City Prosecutor ng Taguig ang ikalawang rape complaint ni Cornejo dahil kung totoo umano ang akusasyong ginahasa siya ni Navarro noong Enero 17, bakit daw niya muling inimbita sa kaniyang condominium ang actor-comedian noong Enero 22.

Setyembre 18, 2014 - Nakalaya si Cornejo sa pamamagitan ng piyansa ng ₱500,000, dalawang araw matapos makalaya sina Lee at Raz sa pamamagitan din ng pagpiyansa ng kaparehong halaga.

Oktubre 16, 2015 - Isinampa ni Cornejo ang ikatlong reklamo laban kay Navarro, kaugnay ng umano’y mga kaso ng rape at attempted rape.

Setyembre 6, 2017 - Ibinasura ng Prosecutor General ang ikatlong reklamo ni Cornejo laban kay Navarro dahil sa pagbabago-bago umano ng salaysay ng complainant hinggil sa nangyari.

Abril 30, 2018 at Hulyo 14, 2020 - Pinagtibay ng DOJ ang pagbasura ng mga kasong rape at attempted rape na isinampa ni Cornejo laban kay Navarro noong 2014.

Hulyo 21, 2022 - Isinantabi ng 14th Division ng Court of Appeals (CA) ang mga naunang resolusyon ng DOJ noong 2018 at 2020 na nagpapatibay sa pagbasura sa reklamo ni Cornejo laban kay Navarro. Mula rito, inatasan ng CA ang City Prosecutor ng Taguig City na magsampa ng mga kasong rape at acts of lasciviousness laban kay Navarro.

Agosto 31, 2022 - Nagsampa ang Prosecutor's Office ng Taguig ng kasong rape laban kay Navarro sa Taguig Regional Trial Court.

Setyembre 20, 2022 - Sumuko si Navarro sa NBI matapos ilabas ang arrest warrant ng korte ng Taguig laban sa kaniya.

Nobyembre 6, 2022 - Tinanggihan ng CA ang apela ni Lee na ibasura ang kasong serious illegal detention case na isinampa ni Navarro laban sa kaniya.

Nobyembre 21, 2022 - Inilipat si Navarro sa Taguig City Jail alinsunod sa kautusan ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 na humahawak sa kasong rape na isinampa ni Cornejo.

Disyembre 5, 2022 - Pinayagan ng Taguig RTC Branch 69 si Navarro na makapagpiyansa ng halagang ₱1-milyon. Kaya’t pansamantalang nakalaya ang comedian-host kinabukasan, Disyembre 6.

Pebrero 8, 2023 - Ipinawalang-sala ng Korte Suprema si Navarro mula sa mga kasong rape at act of lasciviousness dahil sa “lack of probable cause.”

Mayo 2, 2024 - Hinatulan ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 153 ng habambuhay na pagkabilanggo sina Cornejo, Lee at ilan pang sangkot sa kasong serious illegal detention na isinampa ni Navarro.