Nagpaabot ng mensahe ng pasasalamat si "It's Showtime" host Vhong Navarro kaugnay ng pagkapanalo sa kasong "serious illegal detention for ransom" na isinampa niya laban kina Deniece Cornejo, Cedric Lee, at dalawa pa, kaugnay sa naging insidenteng naganap noon pang 2014.

Bago magsimula ang programa ay binigyan ng pagkakataon si Vhong upang magbigay ng kaniyang mensahe.

"Bago po ang lahat, gusto ko munang ah... itong pagkakataong ito para magpasalamat, of course maraming-maraming salamat Lord dahil lagi Kang nakagabay sa akin. Sa dami ng pinagdaanan ko sa buhay, nandiyan ka. Ikaw ang naging sentro ko, at napakatotoo mo. Kaya maraming-maraming salamat," aniya.

Sunod naman ay nagpasalamat si Vhong sa Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 153 para sa hatol na "guilty" kina Cornejo, Lee, at dalawa pang indibidwal na sina "Ferdinand Guerrero" at "Simeon Raz." Aniya, matagal na raw niyang ipinagdarasal ang hustisya para sa nangyari sa kaniya.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Pinasalamatan din ni Vhong ang kaniyang legal team dahil sa pagsama at pagtatanggol sa kaniya hanggang sa huli.

Sumunod na pinasalamatan ng TV host-dancer-actor ang ABS-CBN executives na naniwala at hindi siya iniwanan, kay Direk Chito Roño at dating grupong Streetboys, fans, iba pang tao, lalong-lalo na ang "It's Showtime" co-hosts at staff.

Aminado si Vhong na madalas ay "lutang" siya at sumasablay ang mga hirit niya dahil sa mga pinagdaraanan niya.

"Maraming salamat kasi hinahabaan n'yo ang pasensya n'yo kasi minsang lutang ako, roller coaster ang pinagdaanan ko, hirap explain, minsan sabaw ako rito eh, pero nandiyan kayo, kahit 'yong mga bitaw ko, mga hirit ko is sablay, papuntang Norte, papuntang South... hindi ko alam, pero nandiyan kayo to support me, dahil alam kong mahal na mahal n'yo ako."

Panghuli, pinasalamatan ni Vhong ang kaniyang pamilya dahil naging matatag sila sa pagharap sa kanilang kinaharap na pagsubok, lalo na sa kaniyang misis na si Tanya.

Sa puntong ito ay naging emosyunal na si Vhong dahil kahit marami raw siyang pagkukulang sa misis ay hindi pa rin siya nito iniwan.

"Of course, kay Tanya. Naku, marami akong pagkukulang sa 'yo. Hindi mo ko iniwan. Marami akong kasalanan pero nandiyan ka pa rin. Hayaan mong bumawi ako sa 'yo, sa abot ng aking makakaya, hanggang sa huling sandali ng buhay ko. Mahal na mahal kita. Salamat," madamdaming mensahe ni Vhong para sa misis.

Kaagad na ikinulong sina Raz at Cornejo na dumalo sa pagbasa ng hatol habang naglabas naman ang arrest warrant para kina Lee at Guerrero.

"Reclusion perpetua" o habambuhay na pagkakakulong ang iginawad na parusa sa apat.

MAKI-BALITA: Cedric Lee, Deniece Cornejo guilty sa kasong isinampa ni Vhong Navarro