Malulutas ng isinusulong na pag-amyenda sa Rice Tariffication Law ang talamak na korapsyon sa National Food Authority (NFA).

Ito ang tiniyak ng Mababang Kapulungan ng Kamara bilang tugon sa matinding pagtutol ni Senator Cynthia Villar sa nabanggit na hakbang.

Sa panayam sa radyo, ipinaliwanag ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na siya ring Deputy Majority Leader, hindi dapat gamitin ang usapin sa korapsyon upang ipagkait sa taumbayan ang abot-kayang bigas.

Tiniyak naman ni Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Suansing na siya ring Assistant Majority Leader, kabilang sa panukala ang pagkakaroon ng safeguard measures upang maiwasang magkaroon ng katiwalian.

“Yun din po 'yung rational na isinulong kung bakit gustong tanggalan ng mandato ng NFA na bumili at magbenta ng bigas direkta sa merkado pero siguro po ngayon, I believe we have to re-evaluate that because we’ve seen the impact of it, the tangible impact of it to the Filipino consumers. Tulad nga po ng sinabi ni Deputy Majority Leader Jude Acidre, maraming paraan upang panagutin 'yung NFA, ngayon po na i-introduce namin 'yung amendments, pwede namin kasi siyang i-craft 'yung mismong provision at 'yung implementing rules and regulations such that ma-limit 'yung access ng NFA in the parts of the processes that may solicit corruption on their part,” paliwanag ni Suansing.