Naging emosyunal si "It's Showtime" host Vhong Navarro sa pagbibigay niya ng mensahe matapos mahatulan ng "reclusion perpetua" o panghabambuhay na pagkakabilanggo sina Deniece Cornejo, Cedric Lee, at dalawa pang kasama kaugnay ng kasong "serious illegal detention for ransom" na isinampa niya laban sa kanila.
Ayon sa inilabas na hatol ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 153, "guilty without reasonable doubt" sina Lee, Cornejo, at dalawa pang kasamang sina "Ferdinand Guerrero" at "Simeon Raz," na humahantong sa parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong.
Kinansela rin daw ang piyansa ng mga nahatulan, ayon sa ulat ng DZBB. Kaagad na ikinulong sina Raz at Cornejo na dumalo sa pagbasa ng hatol habang naglabas naman ang arrest warrant para kina Lee at Guerrero.
Matatandaang nag-ugat ang gusot sa pagitan nina Navarro, Cornejo, Lee at iba pang mga kasama dahil sa umano'y pagtatangkang paggahasa ng una kay Cornejo noong Enero 22, 2014.
Halos mapaluha naman si Vhong nang banggitin niya sa dulo ng kaniyang mensahe ang misis na si Tanya Bautista-Navarro.
Aniya, sa kabila raw ng mga pagkukulang at kasalanan niya rito ay hindi pa rin siya iniwan ng misis.
Kaya naman, babawi raw siya rito hanggang sa nabubuhay siya.
"Of course, kay Tanya. Naku, marami akong pagkukulang sa 'yo. Hindi mo ko iniwan. Marami akong kasalanan pero nandiyan ka pa rin. Hayaan mong bumawi ako sa 'yo, sa abot ng aking makakaya, hanggang sa huling sandali ng buhay ko. Mahal na mahal kita. Salamat," madamdaming mensahe ni Vhong para sa misis.
MAKI-BALITA: Vhong nagpasalamat matapos hatulan ng reclusion perpetua sina Deniece, Cedric