Nagpasalamat ang Kapamilya star na si Francine Diaz sa kaniyang fan na nag-abot sa kaniya ng regalong portrait kung saan makikita ang iginuhit na mukha niya.
Ayon sa text caption ni Francine, bigay ito sa kaniya ng isa sa mga nanood sa dinaluhang "Governor's and Vice Governor's Night" sa San Jose, Occidental Mindoro noong Abril 30 ng gabi.
Naging kontrobersiyal pa ito matapos ang umano'y "pagsingit" niya sa program flow, na naging dahilan daw upang maimbyerna at mag-walk out ang bandang "Orange & Lemons" na noon ay nakasalang na para sa kanilang performance.
MAKI-BALITA: Francine ‘agaw-eksena’ raw sa Orange & Lemons; netizens, nanimbang sa isyu
Sa mga lumilitaw na screenshot ng program flow ay makikitang nasa dulo nga si Francine, at bago siya mag-perform, ay kakanta muna ang nabanggit na banda.
Ngunit ayon sa mga kumalat na tsika, nag-request daw ang kampo ni Francine na unahin na siya dahil may iniinda na raw ang aktres.
Kaya naman, habang nasa entablado at naghahanda na ang banda ay biglang tinawag ng event host si Francine; noong una ay babati lang daw, subalit nagtuloy-tuloy na ito sa pagkanta.
Makikitang tila "naimbyerna" raw ang banda, lalo na ang frontman nitong si Clem Castro, habang nakikipag-usap sa ilang taong sinasabing bahagi ng organizing team.
Tuluyan na ngang umalis ang banda sa kalagitnaan ng pagkanta ni Francine, at habang kumakanta raw ang aktres, ay nahalata na nito ang komosyon sa likod. Kahit halatang na-off daw ay nagpatuloy pa rin si Chin at maayos na nagpaalam sa audience.
Matapos ang pag-awit ni Francine ay bumalik naman daw sa entablado ang Orange & Lemons. Nagsalita rin si Clem Castro at humingi ng paumanhin sa mga manonood.
"Gusto ko lang maghingi ng paumanhin, pero kailangan kong sabihin ito, para sa mga artist na... kasi dapat kaninang 11:00 pa kami dito, eh. Pero sana naman, walang sumisingit, 'yon lang. Respeto lang ba. 'Yon lang. Gusto ko lang sabihin 'yon. Ayokong masira 'yong pag-enjoy natin ngayong gabi," ani Clem.
MAKI-BALITA: Clem Castro ng Orange & Lemons, bumoses: ‘Sana walang sumisingit, respeto lang!’
Going back kay Francine, walang tugon ang aktres o kahit na sino mula sa kampo nito matapos ang naging mga pahayag ni Clem.
Subalit pinag-usapan naman ng netizen ang text caption sa pag-flex niya sa natanggap na regalo mula sa fan.
Mababasa sa text captions, "wasn't able to get all the gifts from you guys but thank you so much for spending time with me tonight kahit late na! (smiling emoji)."
"mad respect for everyone who stayed up late."
"respect goes both ways. gn!! (heart emoji)."
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens. May nagsasabing tila sagot daw ito ng aktres sa naging pahayag ni Clem tungkol sa "respeto."
"Ganda ng values ng batang ito..."
"Kawawa yung bata napanood ko. She's still professional. Even at almost 1 am."
"Kasalanan 'yan ng host and organizer..."
"Dapat mag-sorry ka sa Orange & Lemons. Respeto na lang din sa banda, eh sila naman pala talaga ang mauuna hindi ikaw."
"Huwag ka kasi sumisingit..."
"Cryptic ba yan? Parinig sa O&L?"
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Francine tungkol dito.