Hot topic ang "gusot" na nangyari sa isang event sa Occidental Mindoro noong Abril 30, sangkot ang Kapamilya star na si Francine Diaz at bandang "Orange & Lemons."
Viral kasi sa social media ang biglang pag-walk out daw ng banda nang biglang "pasingitin" ng event host si Francine na pinasalubungan naman ng tilian at palakpakan.
Nang mga sandaling iyon ay nagseset-up na raw ang banda para sa kanilang pag-awit.
“Bago tayo maki-jam sa ating banda, may isa munang gustong sumorpresa sa inyong lahat… palakpakan po natin Ms. Francine Diaz," anang host.
Lumabas naman ang nakangiting si Chin (palayaw ni Francine) at nilunod na siya ng mga hiyawan at palakpakan.
Sinabi ni Francine na hahandugan daw niya ng isang awitin ang mga tao. Sa likod naman niya, makikitang tila may tensyon na sa pagitan ng banda at isa sa mga organizer ng event.
Habang kumakanta raw si Francine ay nagligpit na rin ang banda at umalis daw sa entablado, bagay na napansin naman daw ng aktres, kaya nang magpaalam siya sa audience ay halatang tila garalgal na raw ang tinig niya dahil sa pagpipigil yatang maging emosyunal dahil sa mga nangyayari.
Nagsalita rin ang lead guitarist ng banda na si Clem Castro para humingi ng dispensa sa mga nangyari, subalit hindi rin niya napigilang madismaya, na palagay ng mga netizen ay pagkainis sa organizers ng event.
"Gusto ko lang maghingi ng paumanhin, pero kailangan kong sabihin ito, para sa mga artist na…. kasi dapat kaninang 11:00 (ng gabi) pa kami dito, eh. Pero sana naman, walang sumisingit, 'yon lang. Respeto lang ba. 'Yon lang. Gusto ko lang sabihin 'yon. Ayokong masira 'yong pag-enjoy natin ngayong gabi."
May mga bersyong sumama raw ang pakiramdam ni Francine kaya may nakiusap sa kampo nito na unahin na siya.
Dahil dito ay nagbardagulan sa social media ang mga tagahanga at tagasuporta ng dalawang artist. Giit ng fans ng Orange & Lemons, dapat daw humingi ng paumanhin si Francine sa kanila.
[embed]https://twitter.com/sammycruz2023/status/1785374542845874286?ref_src=twsrc%5Etfw%7Ctwcamp%5Etweetembed%7Ctwterm%5E1785374542845874286%7Ctwgr%5Ea3f80a1cedd72c830684a384ff13530f5ffb5edc%7Ctwcon%5Es1_&ref_url=https%3A%2F%2Fwww.pep.ph%2Fpepalerts%2Fpep-troika%2F180453%2Ffrancine-diaz-orange-lemons-a4118-20240501[/embed]
[embed]https://twitter.com/auntieselinamo/status/1785676011113197942[/embed]
[embed]https://twitter.com/YosiPressman/status/1785541247685579080[/embed]
Pagtatanggol naman ng fans ni Francine, walang kasalanan ang aktres dahil ang dapat na managot dito ay ang event organizers. May ilan pang "nabastusan" sa ginawa ng banda na tumutugtog ng gitara habang kumakanta ang aktres.
Sa huli, sinasabi ng madlang netizens na kasalanan ito ng event organizers dahil hindi naging maayos ang daloy ng programa. Kung pasisingitin daw sana si Francine, sana raw ay maayos na kinausap ang banda upang hindi nga naman sila "napahiya" matapos makuha ng aktres ang atensyon ng lahat, at sila naman ay nakasalang na sa entablado.
Dapat din umanong maglabas ng pahayag ang lokal na pamahalaan ng San Jose, Occidental Mindoro, lalo't ang event na iyon ay governor's and vice governor's night.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang opisyal na pahayag sa event organizers o maging sa LGU ng San Jose.