Pormal nang nailuklok si Archbishop Rex Andrew Alarcon bilang bagong arsobispo ng Archdiocese of Caceres nitong Huwebes.
Ang instalasyon kay Alarcon, na siyang namuno sa Diocese of Daet sa nakalipas na limang taon, sa bagong posisyon ay pinangunahan ni Papal Nuncio Archbishop Charles Brown, sa pamamagitan ng isang banal na misa na idinaos sa Naga Metropolitan Cathedral.
Sa kanyang homiliya, sinabi naman ni Alarcon na siya ay dumating sa arkidiyosesis bilang isang tagapaglingkod at hindi bilang hari.
“I entered the boundaries of the archdiocese not as a king… but as undeserving servant called to duty, called to step up towards a heavier cross, but nevertheless, the cross of Jesus,” ayon kay Alarcon.
“I pray, and kindly help me do so, dear brothers and sisters, that I may pursue, not my personal plans, but rather seek God’s plans,” aniya pa.
Nabatid na ang instalasyon ni Alarcon ay dinaluhan ng 30 obispo at mahigit 300 mga pari at madre.
Sa edad na 53-taong gulang lamang, si Alarcon ang pinakabata sa 16 na aktibong arsobispo ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.