Binigyang-diin ni Los Angeles-based vlogger Claire Contreras, o mas kilala bilang “Maharlika,” na nagtatanong lang naman daw siya kay Senador Bato Dela Rosa kung nabayaran ba siya ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

Sa naganap na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Martes, Abril 30, nagalit si Dela Rosa kay Maharlika dahil sa Facebook post nito na nagtatanong kung nabayaran ba siya ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

Hinamon niya si Maharlika na humarap sa Senado at handa raw siyang sagutin ang travel expenses nito para makadalo sa hearing.

"We are trying our best here to come up with the truth and nothing but the truth, wala tayong pinapanigan, ngayon, pati ako tinitira na,” saad ng Senador.

"I feel insulted and it's a very unfair accusation because I'm doing my best to conduct a very objective and a very fair hearing," dagdag pa niya.

“Baka yung gusto niya, yung gusto niya yung masusunod. No, I am the chairman, I have to run the show. Baka gusto niya kaagad na i-crucify agad natin na gusto nila i-crucify. Yan ang gusto niya kaya siya nagalit siya sa akin. How unfair those people are," patutsada pa ni Dela Rosa.

Nag-ugat ang pagdinig dahil sa panayam ng dating PDEA Agent na si Jonathan Morales kay Maharlika kaugnay sa umano’y leakage ng confidential document ng PDEA na naglalaman ng umano’y pagkakasangkot ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa iligal na droga.

Samantala, binigyang-diin ni Maharlika sa kaniyang live na nagtatanong lang naman daw siya kay Dela Rosa.

“Humihingi ako ng pasensya sa’yo kasi nagtatanong lang naman ako,” ani Maharlika.

“Bakit gano’n ‘yung tanong ko kasi base po ‘yun Senator Bato sa nakikita sa DZAR, doon sa comment section, na dismayado ang taumbayan. Sana po as a senator dapat you have to be tough, you know emotionally tough, and be professional ‘di ba binigyan n’yo pa ako ng limelight sa Senado and I’m enjoying it and the same time dismayado po ako,” paliwanag niya.

Sinabi rin niyang hindi niya raw binababoy si Dela Rosa at humingi siya ng pasensya rito.

“Pero humihingi ako ng pasensya sa’yo dahil na-disrupt ko ang hearing unintentionally kasi nakikinig ako habang naghe-hearing, ako pinapakiramdam ko ‘yung boses ng taumbayan, ‘yung kanilang komento sa nagaganap na hearing. Next time Senator Bato, don’t do that. Kasi ako malambot din ang puso ko pero sa isang laban hindi ka dapat nagpapakita ng iyong kahinaan,” mensahe niya sa Senador.

“Nagtatanong lang naman ako, hindi ko kinonfirm. I’m not saying na sigurado ako na ‘Senator Bato ikaw ay binayaran ni Liza.’ ‘Yon pong hinaing na ‘yon, based sa pangyayari sa hearing,” dagdag pa niya.