Naglabas ng pahayag ang Liberal Party (LP) kaugnay sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa nitong Miyerkules, Mayo 1.
Sa X post na ibinahagi ni Atty. Leila De Lima, nakasaad ang kanilang taos-pusong pagpupugay sa lahat ng Pilipinong naghahanap-buhay sa loob at labas ng bansa.
“Ang inyong mga palad ang nagtatatag ng ating mga tulay, kalsada, at gusali; ang lumilikha ng ating mga produkto at sining; ang nagpapagaling sa ating mga may sakit,” pahayag ng LP.
“Ang inyong mga tinig ang nagpapatakbo ng mga negosyo at institusyon; naghahatid ng aliw sa mga nalulumbay at nabuburyong; ang nagtuturo sa mga susunod na henerasyon,” anila.
Dagdag pa nila: “Ang bawat kambyo, pukpok, halo, haplos, tipa, kumpas ang bumubuo, nagpapaandar, at nagpapausad sa Pilipinas.”
Kaya naman, nakikiisa sila sa kaliwa’t kanang panawagan para sa mas makatarungang pagpapasahod, seguridad at kaligtasan sa paghahanap-buhay, higit na suporta sa mga pagsasanay at pagpapalawak ng kaalaman, at pagtataguyod ng karapatang makapag-organisa.
“Nananawagan din kami sa mga opisyal ng pamahalaan: Gawin ang kinakailangan upang magbukas ang mas maraming oportunidad sa mga Pilipino, dito sa Pilipinas. Sariling pagpapasya dapat ang pag-a-abroad, hindi sapilitan. Kasama ito sa mga dapat tutukan, imbes na mga personal na bangayan at pagpupumilit na magtagal sa kapangyarihan,” saad pa nila.