Ang unang naiisip marahil ng marami sa atin kapag sinabing manunulat ay iyong uri ng tao na may mataas na pinag-aralan. Puspos ng pribilehiyo, nagkakanlong sa loob ng akademya at pamantasan, o kaya ay sa komportableng opisina. 

Hindi nakapagtataka kung magkaroon man ng ganitong impresyon sa mga manunulat. Dahil kung titingnan ang listahan ng mga umaakda sa Pilipinas, karamihan sa kanila ay propesyonal o kung hindi man ay mula sa nakaririwasang pamilya kagaya nina Jose Rizal, Marcelo Del Pilar, Paz Marquez Benitez, Genoveva Edroza-Matute, Nick Joaquin, Bienvenido Lumbera, Virgilio Almario, at iba pa.

Kaya tila may bahagyang pagkabigla na malaman kung ang manunulat ay isa palang manggagawa at hindi nakapagtapos ng pag-aaral gaya ni Edgardo M. Reyes.

Sa panayam ng Likhaan kay Reyes noong 2008, inilarawan niya ang sarili bilang “…isang layas, palaboy, propesyonal na tambay [...] Atsoy rin, piyon sa konstruksiyon, tubero, manggagawa ng poso,office boy, mensahero,bodegero at kung ano-ano pa.”

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Masasabing tila aksidente lang ang pagiging manunulat ni Reyes kung pagbabatayan ang paunang salita niya sa librong “Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at isa pa!).” 

Ayon sa kaniya: “Nagtapos ako ng high school sa Bohol Central Colleges [...] nang pulos 75 ang marka, liban lang sa National Language (kalauna’y naging Pilipino). Saradong 70 ang marka ko rito. Bagsak. Malinaw na malinaw na ako naman ay isang bobo’t kalahati.”

“Tapos ay hindi na nakapag-aral (liban sa isang semestre sa kolehiyo). Kahit saang bolang kristal tingnan, pinakamalayo ang posibilidad na ako’y makapagsulat kahit man lang sa pambalot ng tinapa,” sabi pa niya.

Pero kailangang banggitin na bago pa man magsulat si Reyes ay kinahumalingan na niya ang pagbabasa. 

“Natatandaan ko na hindi pa man ako nag-aaral ay isang masugid na tagasubaybay na ako ni Nemesio Caravana sa kanyang mga nobelang lamba-lambana,” aniya.

Nang lumaon, tinangka niya ring galugarin ang mundong nilikha ng mga manunulat na tulad nina Ellery Queen, Erle Stanley Gardner, Agatha Christie, Ernest Hemingway, Augusta J. Evans, at marami pang iba.

Dahil sa kaniyang pinagmulan bilang isang tao, nakapagluwal si Reyes ng mga kuwentong pumapaksa sa araw-araw na buhay ng mga manggagawa gaya halimbawa ng “Kung Saan Tubo,” “Daang Bakal,” at “Paalam Sa Isang Kaibigan.”

Pero kung may akda man siya na maituturing na nagbigay ng kinang sa kaniyang pangalan, ito ay ang kaniyang nobela na “Sa Mga Kuko ng Liwanang” na naging all-time best seller at naisalin pa sa Nihonggo ni Motoe Terami-Wada.

Bukod pa rito, ginawang basehan din ang nasabing nobela ng pelikulang “Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag” na idinirek ni Pambansang Alagad ng Sining Lino Brocka na nagkamit ng Best Picture sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards noong 1975.

 Nakasentro ang kuwento ng akdang ito kay Julio na nagpasyang lumuwas ng Maynila para hanapin ang kasintahan niyang si Ligaya na nagbaka-sakaling matagpuan ang magandang kapalaran sa lungsod. 

Matutunghayan dito kung paano itinampok ni Reyes nang eksakto ang danas at sensibilidad ng mga manggagawa na araw-araw nakikipagsapalaran sa mabangis na buhay sa lungsod.

Bagama’t pumanaw si Reyes noong 2012, nanatili pa rin siyang buhay sa mga binuo niyang kuwento dahil inilagay niya roon ang piraso ng kaniyang mga laman at hininga bilang isang manggagawa. Siya ang isa sa mga patunay na pwede palang tawaging panitikan ang karaniwang kuwento ng mga karaniwang tao.