Matagumpay na idinaos ang pormal na pagbubukas ng "Eksibit sa mga Nanganganib na Wika: Hátang Kayé at Inatá" sa pangangasiwa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Lunes ng hapon, Abril 29, sa pasilyo ng ikalawang palapag ng Senado ng Pilipinas sa Pasay City.
Pinangunahan ang pagbubukas ng eksibit ng Punong Komisyuner ng KWF na si Arthur Casanova, at ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na siya ring tagapangulo ng senate committee para sa kultura at mga sining.
Tampok sa nabanggit na eksibit ang mga nanganganib na wika ng pangkat-etnikong Remontado at Ata na tinatawag na Hátang Kayé at Inatá na matatagpuan sa ilang mga pamayanan sa lalawigan ng Quezon, Rizal, at Negros Occidental. Batay kasi sa mga pag-aaral at pananaliksik, kabilang ang mga nabanggi na wika sa 36 na nanganganib na wikang posibleng mamatay dahil kakaunti na lamang ang gumagamit.
Sa pamamagitan ng pambungad na pananalita, tinanggap ni Casanova ang mga panauhin sa nabanggit na eksibit.
Nagbigay rin ng kaniyang mensahe si Senador Legarda para sa muling pagbuhay ng wikang Hátang Kayé at Inatá. Aniya, ang dahilan ng pagiging "malubhang nanganganib" ng nabanggit na mga wika ay dahil sa "language shift." Ibig sabihin, tanging mga nakatatandang katutubo na lamang ang gumagamit nito at hindi na naipapasa sa kanilang kabataang henerasyon.
Kaya naman, hinikayat ni Legarda ang mga ahensiya ng pamahalaan lalo na ang mga nakapokus sa wika, kultura, at sining, na kumilos upang hindi tuluyang mamatay ang mga wikang katutubo.
“Patuloy ko pa ring hinihikayat ang mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang entidad na paigtingin ang mga programa at proyektong magpapasigla sa wika at kultura ng mga katutubong mamamayan. Sa mga IPs, lalo na sa mga lider ng ICCs, malaki ang tungkulin na inyong gagampanan upang mapasigla ang inyong wika at mapanatili ang inyong kultura,” anang senadora.
“Naniniwala ako sa inyong kakayahan na gawin ito at kami ay patuloy na susuporta sa inyo. Sama-sama tayo sa pagpapasigla sa mga nanganganib na wika,” dagdag pa.
Magtatapos ang eksibit sa Mayo 10, 2024.