Inihain ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations chairperson Risa Hontiveros ang kanilang sagot sa petisyon ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa Korte Suprema.

Matatandaang kamakailan lamang, inatasan ng Korte Suprema ang Senado na magbigay ng komento sa petisyon ni Quiboloy na ihinto ng legislative chamber sa pagpapatupad ng arrest order laban sa kaniya.

Ito ay matapos aprubahan kamakailan ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang “arrest order” laban sa pastor.

Zubiri, nilagdaan na arrest order vs Quiboloy

“Nakahain na sa Supreme Court ang sagot ko at ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa petisyon ng puganteng si Apollo Quiboloy,” ani Hontiveros sa isang pahayag nitong Martes, Abril 30.

Nakasaad sa komento ni Hontiveros at ng Senate committee ang timeline ng hindi pagdalo ni Quiboloy sa kanilang imbitasyon hinggil sa kaniya sana raw pagharap sa mga kasong ibinabato laban sa kaniya.

“Petitioner likewise has not established how said right (right against self-incrimination) has in fact been violated. Which is not surprising considering that the right against self-incrimination can only be invoked if he heeds the summons first, -a matter he completely refuses to do. By his own doing therefore, he bars his ability to seek relief and renders his own Petition speculative,” nakasaad sa inihaing komento ni Hontiveros at ng komite.

Samantala, sa kaniyang pahayag ay nagpasalamat naman ang senadora sa kanilang legal team, na pinamumunuan ni dating Senior Associate Justice Antonio Carpio at Prof. John Molo, dahil sa paggugol daw ng mga ito ng husay at panahon para sa naturang kaso.

“It is now in the SC (Supreme Court)’s hands for deliberation. Tiwala ako na mananaig ang patas at makatarungang paghatol ng ating Korte Suprema,” saad ni Hontiveros.

“In the meantime, our Senate Committee will continue to prepare for our next hearing. May mga victim-survivors pa na gustong magsalita at obligasyon ng aming kumite na bigyan sila ng espasyo sa ating Senado,” dagdag pa niya.

Bukod sa arrest order ng Senado, kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa dalawa pang arrest warrants, kung saan ang isa ay mula sa Davao City court at ang isa ay mula sa Pasig court. Ito ay may kaugnayan sa mga kasong tulad ng sexual abuse, human trafficking, at labor violations na kinahaharap ng pastor.

Kaugnay nito, matatandaang nito lamang Lunes, Abril 29, namang manawagan si Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin na ang pasaporte ni Quiboloy.

https://balita.net.ph/2024/04/29/hontiveros-nanawagan-sa-dfa-na-kanselahin-na-ang-passport-ni-quiboloy/

Ang naturang panawagan ay matapos purihin ng senadora ang naging aksyon ng Philippine National Police (PNP) na tanggalan ng lisensya sa armas ang pastor.

https://balita.net.ph/2024/04/27/hontiveros-pinuri-pagkansela-ng-pnp-sa-firearms-license-ni-quiboloy/