Inabisuhan ng Department of Health (DOH) ang mga ospital sa bansa na paghandaan ang posibleng pagtaas ng kaso ng mga sakit na may kinalaman sa mainit na panahon na dulot ng El Niño.
Sa isang pahayag nitong Martes, Abril 30, inulat ng Manila Bulletin, inihayag ng DOH ang kahalagahan ng proactive measures upang mabawasan umano ang epekto ng El Niño sa kalusugan ng publiko.
“Since last year, hospitals have been advised to anticipate and equip themselves to address food/waterborne, vector-borne, and heat-related illnesses,” anang DOH.
Inihayag din ng ahensya na nakikipag-ugnayan na ang DOH Central Office, sa pamamagitan ng Health Emergency Management Bureau, sa Regional Health Offices at mga ospital upang masiguro na magpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa publiko.
Matatandaang nito lamang linggo, Abril 28, nang iulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na umabot sa ‘extreme danger’ level ang heat index na naranasan sa Iba, Zambales. Ito raw ang pinakamataas na heat index na naitala sa taong 2024.
Samantala, nagbabala rin ang PAGASA kamakailan na inaasahang magiging mainit pa raw ang mararanasan sa bansa hanggang sa kalagitnaan ng buwan ng Mayo.
Kaugnay nito, nagbigay kamakailan ang DOH ng mga impormasyon hinggil sa mga sakit na maaaring makuha dahil sa init ng panahon, at kung ano ang mga dapat gawing lunas sakaling magkaroon nito.
Kaugnay na Balita: