Nahingan ng reaksiyon at komento ang punong komisyuner ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Arthur Casanova hinggil sa isyu ng "red-tagging" sa mga inilathalang aklat ng KWF, matapos kalampagin ng dating komisyuner na si Jerry Gracio ang komisyon para sa pagpapatalsik sa dalawang komisyuner nito.

Dumalo si Casanova sa pagbubukas ng "Eksibit sa mga Nanganganib na Wika: Hátang Kayé at Inatá" sa pangangasiwa ng KWF nitong Lunes ng hapon, Abril 29, sa pasilyo ng ikalawang palapag ng Senado sa Pasay City. Bukod kay Casanova, dumalo rin si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na siya ring tagapangulo ng senate committee para sa kultura at mga sining.

Nagpaunlak ng panayam si Casanova sa Balita matapos ang maiksing programa ng pagbubukas ng eksibit. Hiningi ang kaniyang panig kaugnay sa mga naging isyu nina Gracio at Mendillo sa mga unang araw ng Abril.

"Si dating komisyuner Jerry Gracio po ang nagbukas niyan, sa unang araw ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan, at siya po ang may kagustuhan niyan na maresolba na po 'yong nangyaring 'yon, palagay ko po mas maganda kung si dating komisyuner Jerry Gracio ang inyong tanungin dahil siya po ang may gustong mangyari."

Nang matanong naman ang Punong Komisyuner kung may mensahe siya kay Komisyuner Mendillo, "Wala po."

Matatandaang sa eksklusibong panayam din ng Balita kay Mendillo noong Abril 2, sa pagbubukas ng pagdiriwang ng kaarawan ni Francisco Baltazar, sinabi niyang si Casanova ang dapat umanong hingan ng pahayag tungkol sa naging mga pahayag ni Gracio.

“Ang dapat ini-interview diyan, si Casanova. Sapagkat siya ‘yong nagpatawag ng investigation diyan. […] So, only after that puwede tayong maglabas ng statement,” lahad ni Mendillo.

“May nakita kasi akong sumagot do’n kay Jerry Gracio’s post. Ang sinasabi do’n, si Arthur Casanova nagpunta siyang SMNI at nagpakita siya ng memorandum calling for an investigation for these subversive books,” dugtong pa niya.

Hinikayat din ni Mendillo na makipag-dayalogo sa opisina ng KWF ang mga sangkot na indibidwal sa halip na idaan sa social media ang kanilang himutok.

Matatandaang nanawagan si Gracio noong Abril 1, ng pagpapatalsik sa puwesto kina Mendillo at sa isa pang komisyuner na si Carmelita Abdurahman dahil sa ilang piling libro ng KWF na ipinagbawal nila noong Agosto 2022.

Ipinagbawal ng komisyon ang pagpapa-imprenta at pagbebenta ng ilang mga aklat sa sirkulasyon dahil umano sa “subersibo” nitong nilalaman.

Sa isang memorandum na naipalabas noong Agosto 9, ginamit na batayan dito ang Article 9 of RA 11479 ng Anti-Terrorism Act.

MAKI-BALITA: Mga aklat na ipinalimbag ng KWF, subersibo? Punong Komisyoner Arthur Casanova, tumugon

“I call on the KWF Board of Commissioners to pass a resolution requesting Malacañang to rescind the appointments of these two commissioners and punish them for their actions that curtail the right of the people to acquire knowledge through censorship,” pahayag ni Gracio.

Bukod pa rito, hiniling din niya sa Board of Commissioners ng naturang ahensya na ipamahagi na ang mga ni-red tag na libro.

“Sa pamamagitan nito, mapatutunayan ng Komisyon na tumitindig sila sa panig ng mga manunulat at mga iskolar, sa panig ng malayang pagpapahayag, at hindi sila nagpapa-bully sa makikitid ang utak,” saad niya.

Dagdag pa ni Gracio: “Isang Board Resolution lang ang katapat nito. Hayaang mabasa ng sambayanan ang mga aklat na isinulat ng mga manunulat at iskolar na Filipino.”

Bukod pa rito, nagbigay rin ng tugon si Gracio sa mga naging pahayag ni Mendillo sa panayam ng Balita.

MAKI-BALITA: Gracio kay Mendillo: ‘Pangunahing promotor ng red-tagging sa KWF’

Samantala, nauna nang pinabulaanan ni Casanova noong 2022 sa isang pahayag ang mga paratang na pinayagan umano niyang mapasok ang KWF ng mga kasapi ng CPP-NPA para maglathala ng mga subersibong babasahin.

“These books which are alleged to be subversive passed through the review process of the KWF. All the books underwent the usual scrutiny that all publications of the KWF must pass, including receiving the imprimatur of the other full-time commissioners,” saad ni Casanova.

Ang ilang piling libro na ipinagbawal ng KWF ay ang mga sumusunod: “Teatro Politikal Dos” ni Malou Jacob, “Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kwentong Buhay” ni Rommel B. Rodriguez, “Taiwd-diwa sa pananagisag ni Bienvenido Lumbera: Ang Bayan, ang Manunulat, at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng batas Militar 1975-1979” ni Dexter B. Cayanes, “May Hadlang ang Umaga” ni Don Pagusara, at “Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro” ni Reuel M. Aguila.

MAKI-BALITA: Mendillo, nagsalita tungkol sa isyu ng red tagging sa mga librong inilathala ng KWF