Nagbigay ng pahayag ang Punong Komisyuner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na si Kgg. Arthur Casanova kung paano nga ba maiiwasang manganib at mamatay ang isang partikular na katutubong wika sa Pilipinas, sa eksklusibong panayam ng Balita sa kaniya.

Pinangunahan ni Casanova ang pagbubukas ng "Eksibit sa mga Nanganganib na Wika: Hátang Kayé at Inatá" sa pangangasiwa ng KWF nitong Lunes ng hapon, Abril 29, sa pasilyo ng ikalawang palapag ng Senado sa Pasay City.

Bukod kay Casanova, dumalo rin si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na siya ring tagapangulo ng senate committee para sa kultura at mga sining.

Nagpaunlak ng panayam si Casanova sa Balita kaugnay sa lagay ng mga wika at wikain sa Pilipinas.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

"Sa kabuuan, dapat po ang mga wika na sinasalita ng maliliit na bilang ng pamayanan sa ating bansa ay dapat po nating pinahahalagahan, patuloy nating sinasaliksik ang kanilang wika at kultura, patuloy na ipagamit sa mga katutubong nagsasalita ng partikular na wika nang sa gayon ay hindi tuluyang maglaho ang kanilang wika," aniya.

Iginiit ni Casanova na ang Pilipinas ay may 135 wika, subalit 36 dito ay nanganganib nang maglaho.

"Kaya't ang Komisyon sa Wikang Filipino ay nagpupunyagi na mailigtas po natin sa tuluyang pagkalaho ang mga wikang ito, kabilang na po ang mga wikang narito po sa ating eksibit ngayon. Dapat po ay tumulong hindi lamang ang mga ahensiya ng pamahalaan, ngunit ang buong sambayanan sana'y magbigay ng pagpapahalaga sa mga katutubong nagsasalita nito, dahil unang-una po ay katulad ng nabanggit ko, ito po ay repleksiyon ng yaman ng ating kultura, mas maraming wika tayo, mas mayaman ang ating kultura, at ito po ay sa kabila ng pagkakaiba-iba ng ating wika, ay mayroon tayong isang pambansang wika na tinatawag nating Filipino na magsisilbing unifying factor o salik na magiging lunduyan ng ating pagkakaisa bilang sambayanang Pilipino."

Kahit magkakaiba man daw ang wika ng mga tao sa bansa, nagpapakita naman daw ito ng mayabong na kultura ng bansa.

Ang Eksibit sa mga Nanganganib na Wika: Hátang Kayé at Inatá ay mananatili sa senado hanggang Mayo 10, 2024.

MAKI-BALITA: Pagbubukas ng Eksibit sa mga Nanganganib na Wika, pinangunahan ni Sen. Legarda