Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na buo ang kaniyang suporta para sa mga bagong pulis ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) basta’t mananatili raw ang mga itong tapat sa kanilang mga tungkulin.

Sinabi ito ni Marcos sa kaniyang talumpati sa graduation ceremony ng BPBRC Batch 2023-01 Classes Alpha-Bravo ‘BAKAS-LIPI’ (Bangsamorong Kapulisan, Sandigan ng Lipunang Pilipino) sa Parang, Maguindanao del Norte nitong Lunes, Abril 29, na inulat ng Manila Bulletin.

"Hangga't tunay at tapat kayo sa inyong mga tungkulin bilang miyembro ng kapulisan, buong-buo ang aking suporta sa inyo," mensahe ni Marcos.

"Magkatuwang tayo sa pagsisikap na mabigyan ang bawat Pilipino ng mapayapa at masaganang buhay," dagdag pa niya.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Samantala, sinabi rin ng pangulo sa mga bagong graduate na police officers na inaasahan niyang magiging kinatawan ang mga ito ng kaayusan at mabuting pagbabago.

"Napakalaki ng nakasalalay sa inyong bagong katungkulan dahil nasa kamay ninyo ang pagkamit ng ating patuloy na tagumpay," ani Marcos.

"Simula ngayon, kahit saan man kayo ipadala, kayo ang kinatawan ng kaayusan at pagbabago na layon nating ipamana sa ating mga anak," saad pa niya.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang "BAKAS-LIPI” ay binubuo ng 52 indibidwal mula Moro Islamic Liberation Front (MILF) at 50 mula sa Moro National Liberation Front (MNLF). Sila raw ang unang grupo mula sa MILF at MNLF na papasok sa kapulisan sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.