Pinaalalahanan ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Linggo ang mga nagparehistro para sa Kasalang Bayan 2024 na idaraos ng lokal na pamahalaan sa Hunyo 15, 2024, na ang deadline para sa pagsusumite ng documentary requirements para sa naturang aktibidad ay hanggang sa Abril 30 na lamang, Martes.
Ayon kay Lacuna, ang naturang kasalang bayan ay libreng idaraos para sa mga magkapareha na matagal nang nagsasama ngunit walang pera upang magpakasal sa simbahan.
Bilang bahagi aniya ito ng mga aktibidad na inihada ng Manila City Government para sa pagdaraos ng 'Araw ng Maynila' sa Hunyo 24.
Nabatid na Enero pa lamang simula nang ianunsiyo ang pagdaraos ng kasalang bayan, ay sinimulan na ng city government, sa pamamagitan ng Manila Civil Registry Office (MCRO) na pinamumunuan ni Encar Ocampo, ang pagtanggap ng mga registrants na may first-come, first-served basis.
Pormal naman nang nagtapos ang deadline sa pagtanggap ng registrants noong Abril 26, 2024.
Ayon kay Lacuna, ang mga nagparehistro para sa mass wedding ay maaaring makipag-coordinate sa MCRO, na matatagpuan sa Room 117, Ground Floor, Manila City Hall, Arroceros St. sa Ermita, Manila at kumpletuhin ang kanilang requirements.
Paalala naman ni Lacuna, tanging ang mga makakakumpleto lamang ng requirements ang kanilang ie-entertain.
Nabatid na ang aplikante para sa libreng Church wedding ay itinakda sa 100 pares habang ang lampas naman sa naturang bilang ang mga aplikante para sa civil wedding.
Sinabi ni Ocampo na batay na rin sa kautusan ng alkalde, ang libreng kasal ay kinabibilangan ng libreng marriage license, wedding cord at veil, flower bouquet, aras (wedding tokens), reception at venue, gayundin ng wedding rings, church marriage at wedding service.
Ang mga civil at church wedding applicants ay kapwa naman kinakailangang magprisinta ng certificate of no marriage (CENOMAR), marriage license na inisyu ng Manila Civil Registry at affidavit of cohabitation (para sa mga nasa edad 23-gulang at pataas, na nagsasama na ng higit sa limang taon at may isa o maraming anak), birth certificate ng mga anak, birth certificate at isang balidong government-issued identification card na may address sa Maynila.
Ang mga church wedding registrants naman ay kinakailangan ring magpakita ng iba pang dokumento gaya ng baptismal certificate, confirmation certificate, marriage banns (para sa mga hindi mula sa parokya ng Intramuros, interview/ church seminar).