Ipinaabot ng Liberal Party (LP) ang kanilang pakikidalamhati sa mga naiwan ni Cavite 4th District Rep. Elpidio “Pidi” F. Barzaga Jr. na pumanaw nitong Sabado, Abril 27.

“Nakikidalamhati ang Partido Liberal sa mga naiwan ni Congressman Elpidio "Pidi" Frani Barzaga Jr.,” pahayag ng LP nitong Lunes, Abril 29.

Ayon sa LP, hindi man naging miyembro ng kanilang partido si Barzaga ay nakasama naman daw nila ito sa pagtataguyod ng tapat na pamamahala at paggawa ng paraan para maiangat ang buhay ng mga mahihirap.

“Bagaman hindi siya naging miyembro ng partido, nakasama siya ng mga Liberal sa pagtataguyod ng tapat at malinis na pamamahala; sa mga pagsisikap upang palawakin at ipagpatuloy ang Daang Matuwid; at sa kampanya para iangat ang buhay ng mga nasa laylayan,” anang LP.

National

Cavite Rep. Barzaga, pumanaw na!

“Lagi naming hahangaan ang kanyang husay bilang abogado, ang kanyang tapang at sipag bilang mambabatas, at ang kanyang paninindigan na hindi naitakda kailanman ng kulay ng kanyang tsaleko.”

“Ipinapanalangin namin ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa, at ang mabuting kalagayan ng kanyang naiwang asawang si Mayor Jenny Barzaga at mga anak na sina Kiko, Third, at Enzo,” saad pa nito.

Pumanaw si Cavite 4th District Rep. Barzaga nitong Sabado ng tanghali sa edad na 74 sa California, USA, ayon sa anunsyo ng kaniyang pamilya.

“Throughout his life, Cong. Pidi dedicated himself to serving the people of the Province of Cavite and the City of Dasmariñas with unwavering commitment and passion,” pahayag ng pamilya ni Barzaga.

“His dedication to education, healthcare, and poverty alleviation transformed lives and shaped the future of his constituents. He will be remembered for his compassion and relentless pursuit of justice,” dagdag nito.