Hindi naging hadlang para sa 25-anyos na lalaki sa Margosatubig, Zamboanga del Sur ang kaniyang karamdaman dahil hindi lamang siya nakapasa sa 2024 Pharmacists Licensure Exam, naging topnotcher pa siya rito.

Sa ulat ng GMA Regional TV, ibinahagi ng topnotcher na si Rhedz-Wei Hadjula, mula sa Universidad de Zamboanga, na may genetic blood disorder siya na tinatawag na "thalassemia."

Ang thalassemia ay isa umanong blood disorder kung saan hindi kaya ng katawan na lumikha ng sapat na hemoglobin. Kapag daw hindi sapat ang hemoglobin ng isang tao, malaki ang tsansa niyang maging anemic.

Kaugnay nito, kinuwento ni Hadjula sa GMA na maging ang isa niyang kuya ay mayroon ding sakit katulad niya.

Human-Interest

WFH employee, nagbigay-pugay sa supportive niyang ina: 'Dahil pala sa kaniya...'

“My kuya din po, may thalassemia to the extent na 'di siya nakapag-aral. ‘Yung case ko naman, medyo light, somehow there is this struggle din kasi we have to awake at night sa study ganyan pero tapos ‘yung hemoglobin ko mababa,” aniya

Sa kabila naman ng kaniyang karamdaman ay nagpasalamat si Hadjula sa kaniyang pamilya na hindi raw siya iniwan at tinulungan siya pagdating sa pag-obserba sa kaniyang kalusugan habang siya ay nagre-review.

Samantala, pinayuhan din ng topnotcher ang mga kabataan na kilalanin ang kanilang mga sarili upang mahanap nila ang mga bagay na makapagpapasaya sa kanila.

“Kung masaya ka sa ginagawa mo you actually won’t get tired. Just find yourself, keep your feet on the ground,” saad ni Hadjula.

Mula sa 1,185 passers ng naturang board exam, si Hadjula ang naging topnotcher matapos siyang makakuha ng 92.85% rating.