Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Abril 29, na ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies ang kasalukuyang nakaaapekto sa bansa.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni PAGASA Weather Specialist Daniel James Villamil na nakaaapekto ang ITCZ, o ang salubungan ng hangin mula sa Northern at Southern Hemisphere, sa silangang bahagi ng Mindanao, partikular na sa Caraga at Davao Region.
“Sa mga nabanggit na lugar, asahan natin ang mataas na tsansa ng pag-ulan throughout the day,” ani Villamil.
Samantala, patuloy naman daw na magpapatuloy ang “generally fair weather conditions” o mainit na panahon sa mga nalalabing bahagi ng bansa, kabilang na ang Metro Manila, maliban na lamang sa mga tsansa ng isolated rainshowers o localized thunderstorms.
Bukod dito, nagpapatuloy pa rin ang epekto ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).