Tuwing buwan ng Marso hanggang Mayo, nagbibigay ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng Heat Index monitoring and forecast information para sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.
Kaugnay nito, mula noong nakalipas na mga araw hanggang sa kasalukuyan ay dumarami ang mga lugar na nakararanas ng “dangerous” heat index, at nito lamang Linggo, Abril 28, ay naitala sa Iba, Zambales ang pinakamataas na naitalang heat index sa 2024 na 53°C, na umabot na sa “extreme danger” level.
Ipinaliwanag ng PAGASA kung paano nakukuha ang heat index at kung ano ang mga posibleng epekto kapag ang heat index ng isang lugar ay umabot sa “caution,” “extreme caution,” “danger,” at “extreme danger” level.
Anila, hindi akmang nasusukat ang init na nararamdaman ng isang tao sa pamamagitan lamang ng paggamit ng temperatura ng hangin o “air temperature.” Kaya naman isinasama raw nila sa pagtataya ang datos ng alinsangan o halumigmig (relative humidity). At ang naturang pagsasama ng dalawang ito sa pagtataya ang tinatawag natin ngayon na “heat index.”
May apat na “effect based classification” ang PAGASA sa pagtataya ng heat index ng iba’t ibang mga lugar sa bansa. Ito ay ang mga sumusunod:
1. Caution level
Ayon sa PAGASA, aabot sa “caution” level ang mga lugar na may heat index na 27°C hanggang 32°C.
Dito ay posible raw ang “fatigue” kapag matagal na na-expose sa init at gumawa ng outdoor activities. Kapag nagpatuloy pa raw ang isang tao sa direktang pagka-expose sa araw, maaari itong magdulot ng “heat cramps.”
2. Extreme Caution level
Nasa klasipikasyon ng “extreme caution” level ang mga lugar na may heat index na 33°C hanggang 41°C.
Posible rito ang “heat cramps” at “heat exhaustion.” Kapag nagpatuloy naman daw ang isang tao sa pag-expose ng sarili sa init ay maaari na siyang ma-”heat stroke.”
3. Danger level
Nasa “danger” level ang heat index na mula 42°C hanggang 51°C. Sa mga lugar na ay kinakailangan na raw ng pag-iingat dahil mas malaki na ang tsansang magkaroon ng mga sakit na “heat cramps” at “heat exposure” na dulot ng mainit na panahon.
“Heat stroke is probable with continued exposure,” saad pa ng weather bureau.
4. Extreme Danger level
Ang “extreme danger” ang pinakamataas na antas ng klasipikasyon ng PAGASA, kung saan maaari raw itong maranasan ng mga lugar na nasa 52°C pataas ang heat index.
Mas ibayong pag-iingat ang kinakailangan ng mga taong nasa lugar na nakararanas ng heat index na umabot sa “extreme danger” level dahil mataas daw ang tsansa rito ng “heat stroke.”
Kaugnay ng naturang mga posibleng epekto ng mataas na heat index sa kalusugan ng bawat indibidwal, nagbigay kamakailan ang Department of Health (DOH) ng impormasyon hinggil sa mga sintomas ng heat-related illnesses at kung ano ang mga dapat gawing lunas sakaling makaramdam ng kahit isa sa mga ito.
https://balita.net.ph/2024/04/25/alamin-mga-sintomas-ng-heat-related-illnesses-at-mga-dapat-gawin-kapag-nakaramdam-nito/