Isiniwalat ng Philippine National Police (PNP) na mayroon na silang impormasyon hinggil sa posibleng source ng deepfake audio ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado, Abril 27, na inulat ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo na “na-identify” na silang posibleng source ng naturang audio recording ni Marcos na minanipula umano gamit ang artificial intelligence (AI).

“Initially, may na-identify na po na possible source po nitong deepfake audio po na ito, but as to the extent po ng kaniyang involvement po dito ay iyon po pa rin ‘yung subject ng ating investigation,” ani Fajardo.

Ayon pa sa PNP spokesperson, nakikipag-ugnayan na rin ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para imbestigahan ang nasabing deepfake audio ng pangulo na sa ngayon ay na-”take down” na raw.

National

De Lima sa paggamit ng Duterte sa People Power: 'Galit sa mga aktibista pero gusto magpa-rally'

Samantala, sinabi ni Fajardo na ang gampanin ng PNP sa naturang imbestigasyon ay nasa aspeto ng teknikal para malaman daw ang posibleng pinagmulan ng deepfake audio.

“Whether this is intentional or not, those people behind this deepfake audio will be held accountable,” saad ni Fajardo.

Matatandaang noong nakaraang linggo, pinasinungalingan ng Malacañang ang isang viral deepfake audio ni Marcos na animo’y inaatasan umano niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na gumawa ng aksiyon laban sa isang “foreign country.”

Ang naturang deepfake audio ay lumabas sa gitna ng tensyon ng Pilipinas at China sa usapin ng West Philippine Sea.

Samantala, inatasan na rin ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na panagutin ang nasa likod ng deepfake audio ng pangulo.