Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na hindi umano anyo ng diskriminasyon ang kanilang polisiya hinggil sa tattoo.

Matatandaang umani ng reaksiyon kamakailan ang polisiya ng PNP kung saan dapat na raw burahin ang mga nakikita o bantad na tattoo sa katawan ng kanilang mga personnel, at bawal na rin sa mga aspiring police na magkaroon nito.

MAKI-BALITA: Tattoo, bawal na sa mga pulis; umani ng reaksiyon sa netizens

Sa isa namang press conference sa Quezon City nitong Sabado, Abril 27, na inulat ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nirerespeto nila ang opinyon ng publiko hinggil sa kanilang polisiya. 

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Gayunpaman, pinaliwanag rin niya na ang pag-regulate ng mga police officer mula sa mga nakikitang hindi awtorisadong tattoo ay ipinatupad na mula pa umano nang likhain ang PNP.

“Wala pong policy na kapag nakapasok ka na po sa serbisyo ay pwede na pong magpa-tattoo. So, last year po ay nagkaroon ng technical working group at nagkaroon po ng consultation kung ire-regulate po ba iyong paglalagay po ng tattoo sa ating mga kapulisan,” ani Fajardo.

“This is not, in any way, to discriminate iyon pong mga ibang tao po na mayroon pong tattoo. We will be in agreement doon sa mga nagsasabing iyong paglalagay po ng tattoo is a form of self-expression and freedom of expression,” saad pa niya.

Sinabi rin ni Fajardo na nagkaroon sila ng konsultasyon hinggil sa polisiya kaya’t ang kanila lamang daw pinaaalis na tattoo sa kanilang mga personnel ngayon ay mga “visible unauthorized tattoo” o mga tattoo na “indecent” at nagsusulong ng “extremism,” “racism,” at “sexism.”