Pagpapatayo ng cell tower sa Cabanatuan, tinututulan ng mga residente
Tinututulan ng mga residente ang planong pagpapatayo ng cellular tower sa isang barangay sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, dahil sa posibleng epekto nito sa kanilang kalusugan.
Hiniling ng mga residente kay Brgy. Caalibangbangan chairwoman Myrna Valmadrid-Garcia na harangin ang plano ng DITO Telecommunity na magtayo ng cell site sa lupaing pag-aari ni Ricardo Dela Paz, taga-Sitio Hinukay, Caalibangbangan, na nasa Sitio Boundary (Manggahan) dahil umano sa magiging epekto ng ibinubuga nitong radio frequency radiation (RFR) sa kalusugan, lalo na sa mga bata.
Sa panayam, binanggit din ng mga residente na hindi sila kinonsulta ni Dela Paz at ng nasabing telecommunications company hinggil sa usapin.
Lingid din sa kaalaman ni Garcia ang usapin at sinabing walang permiso sa kanila ang kampo ni Dela Paz, gayundin ang nasabing kumpanya kaugnay sa plano ng mga ito.
"Wala pong permit 'yan. Dapat magpaalam muna sila sa barangay, kahit sa kanya (Dela Paz) ang lupa," ani Garcia.
Sa panig naman ni Brgy. Kagawad Ramon John Supan, malabo nang maaprubahan ng konseho ang plano ni Dela Paz na mag-apply ng permit para sa pagpapatayo ng cell tower dahil sa petisyon ng mga residente.
Matatandaang isinapubliko ng cancer surgeon na si Dr. Sameer Kaul ng Indraprastha Apollo Hospital sa New Delhi, India, malaki ang magiging epekto ng radiation sa kalusugan ng mga bata na maninipis ang bungo batay na rin sa kanilang pag-aaral.