Sa patuloy na pagtaas ng heat index sa bansa, muling lumulutang ang mga terminong "synchronous" at "asynchronous" learning o class batay sa mga pabatid na inilalabas ng Department of Education (DepEd) upang mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral at guro sa mga bantang pangkalusugan sa init ng panahon, ngunit hindi pa rin nasasakripisyo ang pagtuturo at pagkatuto lalo't malapit nang magsara ang mga klase.
MAKI-BALITA: Asynchronous classes ipapatupad sa Abril 29, 30
Bagama't matagal nang nag-eexist ang dalawang modang ito sa pagtuturo dulot na rin ng modernong teknolohiya, mas lumawig pa ang paggamit nito noong kasagsagan ng pandemya.
Nagagamit na rin kapag may biglaang suspensyon ng mga klase dahil sa bagyo, transport strike, at sa ngayon nga ay dahil sa matinding heat index sa iba't ibang panig ng bansa.
Ang pagkakaiba ng synchronous at asynchronous class ay nasa paraan kung paano nangyayari ang pagtuturo at pag-aaral.
Synchronous Learning/Class:
Sa synchronous classes, ang mga guro at mag-aaral ay nagsasama-sama sa isang tiyak na oras at lugar para sa aktuwal na pagtuturo at pag-aaral. Ito ay kadalasang ginagawa sa pamamagitan ng video conferencing tools tulad ng Zoom, Google Meet, Microsoft Teams, at iba pa, kung saan ang guro ay nagtuturo nang live at ang mga mag-aaral ay sumusunod sa oras ng pagtuturo o sesyon.
Ang mga tanong ay maaaring sagutin agad, at maaaring magkaroon ng direktang interaksyon sa pagitan ng guro at mga mag-aaral tulad ng live chat o video call.
Ang synchronous classes ay may regular na oras at schedule na kailangang sundan at sundin.
Asynchronous Learning/Class:
Sa asynchronous classes, ang mga guro at mag-aaral ay hindi nagkakasama sa isang tiyak na oras at lugar para sa pag-aaral. Sa halip, ang mga mag-aaral ay may access sa pre-recorded lectures, readings, modules, at iba pang learning materials na kanilang puwedeng aralin at sagutin sa kanilang sariling oras at lugar. Gayunman, may deadline o oras at petsa pa ring itinatakda ang guro sa pagpapasa ng mga ibinigay na gawain, pagsasanay, o takdang aralin.
Hindi kailangan ang real-time interaction sa pagitan ng guro at mag-aaral. Sa halip, maaaring magkaroon ng discussion forums, email, o iba pang mga asynchronous na paraan ng komunikasyon para sa mga katanungan at pakikipagtalakayan. Isa sa mga halimbawang karaniwang ginagamit ng mga guro ay "Google Classroom." Maaari din namang gamitin ang social media platforms at messaging tools gaya ng Messenger, Viber. Whatsapp, at iba pa.
Ang mga mag-aaral ay may kalayaan sa kanilang oras ng pag-aaral, na maaaring mas angkop sa kanilang mga personal na iskedyul at pangangailangan.
Synchronous man o asynchronous, malinaw na ang dalawang pinakamahalagang kailangan ng mga guro at mag-aaral ay gadget (laptop, tablet, o smartphones) at malakas at mabilis na Internet connection. Mawala, magkulang, o masira ang dalawang bagay na ito, tiyak na may malaking epekto sa pagtuturo at pagkatuto.
Ang bawat paraan ay may kani-kanilang mga benepisyo at limitasyon, pros at cons, at ang pinakamahusay na pagpilian ay maaaring mag-iba depende sa pangangailangan ng mga mag-aaral, uri ng kursong iniaalok, direktiba ng pamunuan ng paaralan, o mula sa atas ng lokal na pamahalaan at DepEd.