Nagbigay ng payo si National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee sa mga nagnanais na magsulat at nangangarap na maging epektibong manunulat.

Sa ginanap na Philippine Book Festival 2024 ng National Book Development Board sa World Trade Center Manila nitong Biyernes, Abril 26, tinanong si Lee kung paano nakaimpluwensiya sa kaniyang pagsusulat ang kaniyang sariling mga karanasan.

Mula rito, kinuwento niya na bilang siya raw ay isang ampon, palagi niyang nararamdaman na para siyang isang “outsider” sa buhay. At sa paglipas ng panahon, nang marami na raw siyang naisulat ay napagtanto niya na parang halos lahat ng kaniyang nalilikhang mga karakter ay napabibilang din sa mga “outsider.”

“Sa mga nagsusulat dito, you will notice eventually na lahat ng nasusulat n’yo o mas madali n’yong nasusulat ay ‘yung galing sa pagkatao n’yo. Like being an ampon, I always felt na outsider ako, looking in through the window or through the door. And then later on, noong marami na akong nasulat, nakita ko na karamihan yata ng mga bida ko sa mga pelikula, puro mga outsider,” kuwento ni Lee.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Kapag nagsusulat ako tungkol sa mga character na outsider, kuhang kuha ko, mas madaling mag-flow, at mas madaling makakonekta sa ibang tao. Kasi aminin na natin, karamihan sa atin, outsider. And so, nagkukuwento ka from outsider to outsider, nakakakonekta ka.”

Kaugnay nito, pinayuhan ng national artist ang mga nagnanais magsulat na kilalanin ang kanilang mga sarili.

“Get to know yourself. Ano ba talaga ako? Maligalig ako, outsider ako, o makulit ako, o sabik ako sa pagmamahal, o sobra akong magmahal, ano ka ba? You keep getting to know who you really are, deep inside, and then write from there,” aniya.

Kapag naisulat mo naman na ang nasa loob mo, saad ni Lee, asahang hindi agad magiging pulido ang katha.

“Usually that will turn out to be very crude and madumi because it’s very honest. ‘Yung unang kuwentong lumalabas na honest, marumi. Hindi pa ‘yan nilinis ng templates, ng mga rules, at mga bawal. It’s pure you, so madumi siya. So, don’t worry. You can always rewrite. You can always revise.”

Nagbigay rin ng suhestiyon si Lee kung paano makakapa ng mga nagnanais magsulat ang kanilang mga sarili.

“There are many ways that you can find out. What makes you laugh? Sa mga sine, ano ‘yung eksena? What makes you cry? What irritates you? What angers you? Anong sinasabi lagi ng mga tao sa’yo? Hindi naman natin mababago totally ang pagkatao natin eh. Nag-iimprove lang tayo or nagde-deteriorate,” saad ni Lee.

“So kung makulit ka, may kakulitan din ang part of your voice as a writer. Lagi kang may feeling na you’re hungry for love? Then go into it. Embrace it. Because that’s who you are. Write from there. So, write from who you really are. It’s more important than all the techniques and the rules. The techniques and rules and the craft, you can learn that eh, sa YouTube, sa workshops. Pero ‘yung pagkatao n’yo, ‘yun ang pinakamahalaga,” dagdag niya.

Samantala, sa naturang session ay hinikayat din ni Lee ang mga aspiring writer na huwag nilang asamin na maging kapareho ng ibang mga manunulat, bagkus ay pagsumikapan nilang paghusayin ang kanilang sariling pagkatao at identidad bilang mga writer.

“Huwag kayong mag-ambisyon na maging ‘Ricky Lee,’ na maging ‘Lualhati Bautista.’ Kasi wala kaming makakapareho, magiging xerox lang kayo. Kung ikaw si Robert, mag-ambisyon kang maging si Robert na mahusay na writer,” ani Lee.

“There’s no one na gaya mo. You are the only one na ikaw with all your faults, and strengths, and joys, and traumas, and peklats, and wounds and everything. Ikaw lang ‘yun. So, mag-ambisyon kang maging ikaw na mahusay na writer. Magpatulong ka lang sa amin na ma-inspire, na maka-share, but huwag kayong maging kami. Maging ikaw ‘yun, kung sino ka,” saad pa niya.

Bukod sa pagiging isang national artist, si Lee ang most-awarded scriptwriter sa Pilipinas kung saan nakapagsulat na siya ng mahigit 180 produced film scripts, tulad ng classic films na “Anak,” “Jose Rizal,” “Muru-Ami,” “Karnal,” “Nasaan Ka Man,” “Moral,” at “Himala” na nagwagi ng CNN Award for Best Asia-Pacific Film of All Time noong 2011. Nakatanggap siya ng mahigit 90 tropeo mula sa iba’t ibang award-giving bodies, kabilang na ang life achievement awards.

Si Lee rin ang nagsulat ng best-selling scriptwriting manual na “Trip to Quiapo,” at mga librong tulad ng “Lahat ng B,” “Para Kay B (O Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 Out of 5 sa Atin),” “Si Amapola sa 65 na Kabanata,” Bahay ni Marta,” at “Kung Alam N'yo Lang: Mga Kuwento Pambata para sa mga Hindi na Bata.”