“Huwag kang mag-ambisyon na maging kami. Mag-ambisyon kang maging ikaw na mahusay na writer.”
Ito ang payo ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee sa mga nangangarap na maging epektibong manunulat.
“Huwag kayong mag-ambisyon na maging ‘Ricky Lee,’ na maging ‘Lualhati Bautista.’ Kasi wala kaming makakapareho, magiging xerox lang kayo. Kung ikaw si Robert, mag-ambisyon kang maging si Robert na mahusay na writer,” ani Lee sa kaniyang meet-and-greet session sa Philippine Book Festival 2024 ng National Book Development Board sa World Trade Center Manila nitong Biyernes, Abril 26.
“There’s no one na gaya mo. You are the only one na ikaw with all your faults, and strengths, and joys, and traumas, and peklats, and wounds and everything. Ikaw lang ‘yun. So, mag-ambisyon kang maging ikaw na mahusay na writer. Magpatulong ka lang sa amin na ma-inspire, na maka-share, but huwag kayong maging kami. Maging ikaw ‘yun, kung sino ka,” saad pa niya.
Samantala, sa naturang talk ay pinayuhan din ng national artist ang mga nangangarap na maging manunulat na kilalanin ang kanilang mga sarili.
“Get to know yourself. Ano ba talaga ako? Maligalig ako, outsider ako, o makulit ako, o sabik ako sa pagmamahal o sobra akong magmahal. Ano ka ba? You keep getting to know who you really are, deep inside, and then write from there,” ani Lee.
Bukod sa pagiging isang national artist, si Lee ang most-awarded scriptwriter sa Pilipinas kung saan nakapagsulat na siya ng mahigit 180 produced film scripts, tulad ng classic films na “Anak,” “Jose Rizal,” “Muru-Ami,” “Karnal,” “Nasaan Ka Man,” “Moral,” at “Himala” na nagwagi ng CNN Award for Best Asia-Pacific Film of All Time noong 2011. Nakatanggap siya ng mahigit 90 tropeo mula sa iba’t ibang award-giving bodies, kabilang na ang life achievement awards.
Siya ang nagsulat ng best-selling scriptwriting manual na “Trip to Quiapo,” at mga librong tulad ng “Lahat ng B,” “Para Kay B (O Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 Out of 5 sa Atin),” “Si Amapola sa 65 na Kabanata,” Bahay ni Marta,” at “Kung Alam N'yo Lang: Mga Kuwento Pambata para sa mga Hindi na Bata.”