Mariing kinondena ni Senador Koko Pimentel ang naging pagpaslang sa 14-anyos na estudyante sa Talisay City, Cebu.
Matatandaang nitong Biyernes, Abril 26, nang barilin umano isang gunman ang 14-anyos na babaeng kinilalang si Jacquilene Reponte habang nagsasagot ito ng kaniyang modyul sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Cansojong sa Talisay City.
Naisugod pa umano sa ospital si Reponte ngunit binawian din ito ng buhay.
Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang motibo ng krimen at hindi pa umano nakikilala ang suspek.
Kaugnay nito, sa isang pahayag nitong Sabado, Abril 27, na inulat ng Manila Bulletin, nanawagan si Pimentel sa mga awtoridad na pabilisin ang kanilang imbestigasyon hinggil sa kaso.
“We condemn this heinous act in the strongest possible terms and call upon the authorities to expedite their investigation to swiftly bring the perpetrators to justice,” ani Pimentel.
“I and Kat Pimentel extend our deepest condolences and offer prayers for the family of the victim,” saad pa niya.
Samantala, naglabas na rin ng pahayag ang Department of Education (DepEd) nitong Sabado para kondenahin ang nangyari sa estudyante at nagpaabot ng pakikiramay sa mga nagluluksa nitong naulilang pamilya, kaibigan, at mga kaklase.
“No learner should ever fear for their safety while pursuing education, whether at home or in school. DepEd calls on the authorities to swiftly and thoroughly investigate this heinous crime and bring the perpetrator to justice,” pahayag ng DepEd.