Ipinahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang overseas Filipino workers (OFWs) na naiulat na nasaktan mula sa dalawang magkasunod na malalakas na lindol sa Taiwan nitong Sabado, Abril 27.

Sa isang pahayag, binanggit ng DMW ang ulat ng Central Weather Administration (CWA) ng Taiwan kung saan isang magnitude 6.1 na lindol umano ang yumanig sa eastern Taiwan dakong 2:21 ng madaling araw nitong Sabado. 

Pagkatapos nito, isang magnitude 5.8 na lindol naman daw ang yumanig sa lugar dakong 2:49 ng madaling araw.

“Migrant Workers Offices (MWOs) in Taipei, Taichung and Kaohsiung are on alert and monitoring the situation ready to assist any OFWs who may have been injured or affected by the earthquake,” anang DMW.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Binanggit din ng ahensya na nakikipagtulungan na ang DMW MWOs at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) officers at personnel sa Filipino communities at leaders, local authorities, at employers, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na pinamumunuan ni Chairman Silvestre H. Bello III, para masiguro ang kaligtasan ng OFWs sa naturang bansa.

Matatandaang noon lamang Abril 23, dalawang magkasunod na malalakas na lindol din ang tumama sa Taiwan, kung saan sinabi naman ng DMW na wala ring OFWs na nasugatan dahil dito.

MAKI-BALITA: DMW: Walang OFWs na nasaktan mula sa magkasunod na lindol sa Taiwan

Samantala, bago ang naturang mga lindol ay matatandaang noong Abril 3, 2024 nang yanigin ang Hualien ng magnitude 7.4, kung saan nasa 13 umano ang nasawi at mahigit 1,000 ang nasugatan, kabilang na ang tatlong OFWs na naiulat na nagtamo ng minor injuries.

MAKI-BALITA: 3 Pinoy, nagtamo ng minor injuries sa Taiwan earthquake—DMW