Nagbigay na ng kaniyang paliwanag ang aktres na si Julia Barretto kaugnay ng napabalitang reconciliation nila ni Kapuso star Bea Alonzo matapos magkrus ang mga landas nila sa isang event.
Sa "ToniTalks" episode na hino-host ni Toni Gonzaga-Soriano, sinabi ni Julia na ina-acknowledge niyang marahil ay nakasakit din siya ng damdamin noong kasagsagan ng "ghosting" issue sa pagitan ng dating magkarelasyong sina Bea at current boyfriend ni Julia na si Gerald Anderson noong 2019.
Matatandaang sinabi ni Bea sa panayam ng media na bigla na lang siyang hindi kinausap ni Gerald at wala pang maayos na closure na nangyari sa pagitan nilang dalawa.
Sa pagpasok ni Julia sa eksena, pinaratangan siya ng mga netizen na umano'y "third party" sa pagkasira ng relasyon ng dalawa, bagay na itinanggi naman nina Gerald at Julia.
Makalipas ang halos limang taon ay naispatan na ngang nag-uusap sina Julia at Bea sa isang event, at nagbigay na rin ng komento rito si Gerald.
"Time heals," anang Kapamilya actor.
MAKI-BALITA: Gerald sa pagkikita nina Julia, Bea: ‘Time heals’
Anyway, sabi naman ni Julia sa panayam ni Toni, "Ako personally, may naging role ako in somebody else's pain in the same way that they also contributed to my pain."
"But I think you know na okay ka na when you already acknowledged na 'baka may shortcoming din talaga ako, na baka I really did something that hurt somebody."
Pinahahalagahan daw niya ang naging biglaang pagkikita nila ni Bea sa event.
"It's a moment that of course bina-value ko... it was a really real moment kasi 'di ba it was messy, at kapag na-iron out 'yon kahit konti, it helps..."
"Para lang alam mo na the people in the past you were able to close it with them, hoping that it would also give them peace..."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag tungkol dito si Bea.
MAKI-BALITA: Bati na? Bea at Julia, naispatang nag-beso at nagtsikahan