Pinuri ni Senador Risa Hontiveros ang naging pagtugon ng Philippine National Police (PNP) sa kaniyang panawagang tanggalan ng lisensya sa armas si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Matatandaang noong Biyernes, Abril 26, nang aprubahan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang rekomendasyong alisin ang gun permits ni Quiboloy para sa lahat ng 19 firearms na nakarehistro sa kaniya.
“Salamat sa agarang pagtugon ng PNP sa panawagan kong tanggal-lisensya sa armas ni Quiboloy. I commend PNP Chief Rommel Marbil for heeding this call,” ani Hontiveros sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Abril 27.
“Tiyakin din sana ng PNP na walang mga armas niya ang maiwan sa mga miyembro niya.
Dapat lang na mabuwag na ang private army niya, na todo-balandra rin ng kanilang mga baril sa social media.”
Samantala, muli ring nanawagan ang senadora na maaresto na ang pastor sa “lalong madaling panahon.”
“He continues to mock our institutions. Kamakailan lang nagpalabas na naman siya ng audio recording kung saan nagbigay pa siya ng bugtong tungkol sa location niya,” ani Hontiveros.
“Matapos nilang pagdiskitahan ang Senado bilang institusyon, ngayon naman, ang ating kapulisan ang iniinsulto. Hindi tayo papayag na pagmukhain niya tayong tanga,” saad pa niya.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa tatlong arrest warrants, ang isa ay mula sa Davao City court, ang isa ay mula sa Pasig court, at ang isa naman ay ang mismong inihaing arrest warrant kamakailan ng Senado. ito ay may kaugnayan sa mga kasong tulad ng sexual abuse, human trafficking, at labor violations.