Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Abril 27, na patuloy pa rin ang pag-iral ng easterlies at inaasahan itong magdadala ng mainit na panahon sa bansa.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni PAGASA Weather Specialist Aldczar Aurelio na inaasahan ang mainit na panahon, partikular na sa tanghali hanggang hapon, dulot ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Samantala, posible pa rin daw ang mga panandaliang pag-ulan o localized thunderstorms sa malaking bahagi ng bansa lalo na pagsapit ng hapon hanggang sa gabi.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).