Naglabas ng pahayag ang Department of Education kaugnay sa 14 anyos na estudyanteng pinaslang sa Talisay City, Cebu noong Biyernes ng umaga, Abril 26.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagsasagot umano ng module ang batang babae nang bigla siyang pasukin ng salarin sa bahay nito at barilin. Tinamaan sa pisngi ang dalagita at isinugod sa ospital pero binawian din umano ng buhay.

Pagkakasangkot sa ilegal na droga ng ilang kaanak ng biktima ang isa sa mga anggulong tinitingnan umano ng pulisya sa likod ng nasabing pamamaslang.

Kaya naman, sa Facebook post ng DepEd nitong Sabado, Abril 27, kinondena ng ahensya ang karumal-dumal na krimeng ginawa ng suspek.

Gayundin, ipinaabot ng DepEd ang kanilang lubos na pakikiramay sa gitna ng pagluluksa ng mga naulilang pamilya, kaibigan, at kaklase ng pinaslang na estudyante.

“No learner should ever fear for their safety while pursuing education, whether at home or in school,” pahayag ng DepEd.

“DepEd calls on the authorities to swiftly and thoroughly investigate this heinous crime and bring the perpetrator to justice,” anila

Dagdag pa ng ahensya: “The Department is deeply concerned and alarmed with the recent incidents of brutal killings of minors, especially girls. We urge the local authorities and the community to come together in solidarity against violence and to ensure the safety of all learners.”

Matatandaang noong Abril 19 ay naglabas din ng pahayag ang DepEd para kondenahin ang pagpatay sa isang Grade 8 student sa Agoncillo, Batangas.

MAKI-BALITA; DepEd, kinondena pagpatay sa Grade 8 student sa Batangas