3 NPA members, patay sa sagupaan sa Caraga
Tatlong miyembro ng New People's Army (NPA) ang nasawi sa sunud-sunod na operasyon ng militar sa Caraga simula Marso 25 hanggang Abril 20.
Paliwanag ni 901st Infantry Brigade commander Brig. Gen. Arsenio Sadural, ang serye ng operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng 30th Infantry Battalion (IB), 36th IB, at 65th IB laban sa mga miyembro ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC).
“The conduct of relentless combat operations aims to target the members of the Communist Terrorist Group, particularly the NEMRC in the hinterlands of Agusan del Sur and Surigao del Sur and to defeat them to free these provinces from their terrorist activities,” banggit ng opisyal nitong Biyernes.
Sa rekord ng militar, isang rebelde ang napatay matapos makasagupa ng mga sundalo sa Barangay Bitaugan, San Miguel, Surigao del Sur nitong Marso 25.
Narekober ng militar ang isang M16 Armalite rifle ng naturang rebelde.
Nitong Abril 17, nakasagupa rin ng mga sundalo ang grupo ng mga rebelde sa Brgy Kolambugan, Sibagat, Agusan del Sur na nagresulta sa pagkasawi ng isa sa miyembro ng kilusan.
Napatay din ang isa sa mga miyembro ng NPA nang lumaban ang grupo sa tropa ng pamahalaan sa bisinidad ng Brgy. Kolambugan nitong Abril 20.
PNA