“Sana yung mga ganitong reklamo ay hindi niyo po pinapatulan.”
Ito ang mensahe ng social media personality na si Xian Gaza kay Senador Raffy Tulfo tungkol sa anak na inireklamo ang kaniyang ama dahil sa hindi sapat na sustento.
Matatandaang usap-usapan ngayon sa social media ang pagpapa-Tulfo ng 18-anyos na dalaga sa kaniyang ama.
BASAHIN: Ama, pina-Tulfo dahil ‘di raw sapat ang ₱500/day allowance na ibinibigay niya?
Dahil dito, nagbigay ng saloobin si Gaza na dapat daw ay hindi na pinatulan ‘yung ganoong reklamo.
“Sana yung mga ganitong reklamo ay hindi niyo po pinapatulan. Nauunawaan ko po ang branding niyo pati na ang business model ng inyong programa. Maganda yung mga ganitong klaseng content dahil very unique siya, sobrang lakas ng engagement,” saad niya sa kaniyang Facebook post kamakailan.
“Pero sana i-consider niyo po yung mga taong involved particularly yung batang mabu-bully habambuhay at yung magulang na mapapahiya sa buong bansa. By airing this issue, hindi po kayo makakapaghatid ng hustisya bagkus ay may masisira po kayong buhay,” dagdag pa niya.
Naiintindihan naman din daw ni Gaza na hindi lahat ng reklamo ay ine-entertain ng naturang programa. Binigyang-diin pa niya na hindi raw public figure ang pamilya.
“Naiintindihan ko po na hindi lahat ng reklamo ay ine-entertain niyo the same way na hindi lahat ng tsismis ay sinasawsawan ko. Pinipili kong mabuti yung mga issue na pino-post ko kagaya na lang nito because I always make sure that I will benefit from the clout.
“Gets ko po yun, Sir Raffy. But this family is not a public figure. Sila po ay mga pribadong tao. While benefiting from their clout eh may binigay po kayo na lifetime trauma sa kanilang pamilya.
“Ano yung point ko, Sir? Hindi niyo po dapat ineere yung mga ganitong bagay. Anak na galit sa magulang dahil sa PHP 500 allowance?? mygahd,” paglalahad pa niya.
Habang isinusulat ito, wala pang tugon si Tulfo.