Iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Biyernes na umaabot na sa mahigit 35,000 manggagawa na apektado ng El Niño phenomenon ang nabigyan nila ng pansamantalang pagkakakitaan.

Sa isang pre-Labor Day press briefing, sinabi ni DOLE Undersecretary Benjo Benavidez na ang mga naturang manggagawa ay nabigyan ng alternative livelihood sa ilalim ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.

Ang mga naturang manggagawa ay pawang mula aniya sa Regions I, III, IV-A, VI, IX, at X, gayundin sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Mimaropa.

Kaugnay nito, tiniyak din ng labor official na patuloy silang magkakaloob ng tulong sa mga mamamayang apektado ng El Niño.

Nabatid na nasa P163 milyon ang halaga ng pondo inilaan ng pamahalaan para sa suweldo ng mga naturang benepisyaryo.