Sa panahon ng tag-init, ang init ng araw ay maaaring maging masyadong nakapapagod, nakahahapo, at nakakaantok. Sa ganitong mga panahon, karamihan sa atin ay nagnanais ng kahit katiting na ginhawa mula sa kainitan at alinsangan. Sa mas malalang pagkakataon, maaari pang maging banta sa kalusugan ang labis na init.
Ngunit sa kabila ng modernong teknolohiya at siyensya para mapreskuhan ang pakiramdam, patuloy pa ring umiiral ang mga pamahiin at tradisyonal na mga pamamaraan sa pagpapaulan at pagpapalamig sa mainit na panahon.
Narito ang ilan daw sa mga paraan upang tawagin ang hangin o ulan:
1. Pagsipol para tawagin ang hangin.
Pinaniniwalaang ang pagsipol daw ay pagtatawag sa hangin lalo na kung labis ang alinsangan ng panahon. Wala pa ring makatatalo sa sariwa at malamig na simoy o ihip ng hangin.
2. Pagpapanginig o pagpapakatal sa bibig ng mga bata at pagtalsik ng laway.
Sa pamamagitan daw ng pagpapanginig ng labi ng mga bata ay tila tinatawag daw nito ang ulan upang nang sa gayon ay lumamig, lalo na kapag tumatalsik ang mga laway nito.
3. Pagbirit, pagkanta o pag-videoke ng mga taong di kagandahan ang boses.
Ginagawa pa ngang katatawanan ng marami na kapag bumanat na raw sa karaoke o videoke ang taong "boses-palaka," tiyak daw na kukulog at bubuhos na ang minimithing ulan.
4. Pagguhit sa papel ng mga ulap na may pumapatak na ulan.
Gumuhit daw nito at itapat sa bubungan ng bahay, labas ng bintana, o sa lupa basta't katapat ng langit upang mahikayat o "ma-magnet" ang ulan na pumatak na.
5. Pag-aalay ng rain dance o kaya naman ay sun dance.
Ang rain dance ay isang seremonya ng ilang mga tribo para pumatak ang ulan at madiligan ang kanilang mga pananim. Ang sun dance ay pagsayaw-sayaw at pagmumuwestra sa kamay na tila patak ng ulan, na unang nakilala sa pelikulang "A Very Special Love" nina Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz.
6. Pagpapatunog ng kampana ng simbahan.
Sa ilang lugar, ang pagtunog ng kampana ng simbahan ay sinasabing maaaring magdulot ng pag-ulan. Ito ay isang tradisyonal na pamahiin na maaaring maituturing na bahagi ng kultura at relihiyon.
7. Pagbasa o pag-usal ng orasyon.
Kinakailangan lamang daw magbasa ng panalangin para sa Panginoon o orasyon upang bumuhos na ang ulan.
8. Pagdarasal sa diyos o diyosa ng hangin at ulan.
Sa ilang tribo, nagdarasal sila sa diyos at diyosa ng hangin at ulan upang pumatak ito sa isang partikular na lugar, lalo na sa mga pananim. Ang iba nga ay nag-aalay pa ng dugo o katawan ng pinaslang na hayop, o kaya naman ay pagkain. Sa mitolohiyang Griyego at Romano, si Zeus (o Jupiter sa Romano) ang hari ng mga diyos at diyos ng langit, kulog, at ulan. Ipinapalagay na siya ang nagdadala ng mga unos at pag-ulan sa pamamagitan ng kanyang paggamit ng kanyang kidlat at trono.
Samantala, sinasabing kapag umambon o umulan habang katirikan ang araw, may ikinakasal daw na tikbalang at kapre.
Marami pang iba't ibang pamahiin ang nauugnay sa paghangin at pag-ulan sa Pilipinas, na nagpapakita ng kultura at kasaysayan ng mga tao sa bansa. Subalit, mahalaga pa rin na tandaan na ang mga pamahiin ay bahagi lamang ng kultura at hindi naman kinakailangan na seryosohin nang labis.