Kaagad na ipinag-utos ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-In-Charge (OIC) Hans Leo Cacdac ang pagsasarado sa isang consultancy firm matapos matuklasang ilegal itong nag-aalok ng trabaho bilang entry point sa permanent residency sa Canada.

Ayon sa DMW, kabilang sa sinilbihan nila ng closure order ay ang main office ng Dream Pathway Education and Immigration Services (Dream Pathway), na matatagpuan sa Mandaluyong City, gayundin ang tatlong sangay nito sa Cabanatuan City, Nueva Ecija; Apalit, Pampanga; at Lipa City, Batangas.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Mismong si Cacdac ang nanguna sa pagpapa-padlocked sa naturang mga tanggapan, sa pamamagitan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at sa pakikipag-koordinasyon sa lokal na pamahalaan at mga pulis.

“Dream Pathway is among the unauthorized entities taking advantage of Canada’s immigration programs, which are being used as a doorway to Canada for temporary work before reaching permanent residency. Aside from not securing a proper license from the DMW, they are charging exorbitant processing fees to hopeful applicants,” ani Cacdac.

Nagsagawa umano ang DMW-MWPB ng surveillance operations at dito natuklasang nag-aalok ang kumpanya ng iba’t ibang trabaho sa Canada, kapalit ng P110,000 professional fee sa ilalim ng Atlantic Immigration Pilot (AIP) program.

Ayon sa DMW, ang mga Pinoy na patungong Canada sa ilalim ng AIP ay kailangang sumailalim sa contract verification at documentary processing ng DMW bilang legal documentation sa OFWs, maging direct hire processing man ito o di kaya ay sa pamamagitan ng licensed Philippine recruitment agency.

Ipinag-utos na rin ni Cacdac ang pagsasampa ng mga kasong illegal recruitment charges laban sa Dream Pathway.

Hinikayat din niya ang mga biktima ng consultancy firm na kaagad na kumontak sa kanilang tanggapan upang mapagkalooban sila ng tulong sa paghahain ng kaso.

Ang mga opisyal at tauhan naman ng kumpanya ay isasama na rin sa "List of Persons and Establishments with Derogatory Record" ng DMW at permanente nang hindi papayagang makalahok sa anumang overseas recruitment program ng pamahalaan.

Anang DMW, “The closure of the consultancy firm is the first operation involving the simultaneous padlocking of a company’s main and branch offices conducted by the DMW to crack down on illegal recruiters preying on OFWs and applicants who wish to work abroad.”