Pina-Tulfo ang isang ama dahil ₱200 lang ang naibigay niyang allowance sa kaniyang anak, na dapat ₱500 kada araw.

Pinag-uusapan ngayon sa social media ang inupload na video ng Wanted sa Radyo noong Abril 11 kung saan dumulog sa tanggapan ng “Raffy Tulfo in Action,” si Alexandra Ortega, 18, Senior High School student at kaniyang ina na si Liza Vergara para ireklamo si Rolando Ortega.

Kuwento ni Liza, dating kinakasama ni Rolando, ay mayroon silang apat na anak. Si Alexandra na lamang daw ang nag-aaral dahil ‘yung tatlo ay may pamilya at anak na.

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

Napagkasunduan daw nila ni Rolando na ₱500 kada araw ang allowance ni Alexandra. Sa naturang sustento raw kukunin ang pangkain, baon sa school, at pamasahe. Pero ngayon daw, unti-unti na raw nawawala ang sustento.

“Last niyang bigay no’ng Sabado ₱200 lang po, hanggang ngayon wala na po,” saad ni Liza.

Nagpaliwanag naman si Rolando kung bakit ₱200 lang ang naibigay niya sa anak.

“₱500 daily ang binibigay ko po rito sa anak ko. Kaya po ganyan lang kasi budget lang po niya sa pag-aaral ‘yun kasi sagot ko naman ‘yung ilaw, tubig, at [upa sa] bahay,” paliwanag ni Rolando. Sinabi rin niya na si Alexandra lang ang sinusustuhan niya dahil siya na lang daw ang dalaga at nag-aaral.

“No’ng Sabado kasi araw ng boundary ko ‘yung kasi naglalabas ako sa Grab. No’ng araw na ‘yun, hindi ako nakapag-boundary ng umaga kasi ₱7000 ‘yung boundary ko. No’ng hapon wala pa akong pera talaga. Eh sabi niya [Alexandra] gagamitin niya sa pamasahe at saka pagmeryenda nasa school yata siya no’n. Tapos sabi ko ito na lang munang ₱200 kasi walang laman ‘yung GCash ko kaya ito na lang munang ₱200 […] Kinabukasan, Linggo ‘yun, nagpadala ako ng ₱700,” paliwanag pa niya.

Binanggit din niya na umaabot sa ₱5000 - ₱6000 kada linggo ang sustento niya.

Sumagot naman si Alexandra na hindi raw nabubuo ‘yung sustentong ‘yon dahil ₱4000 na lang ang nakukuha umano nila.

Buwelta naman ni Rolando, nagigipit siya sa boundary. Gayunman, pinagdidiinan ni Liza dahil ito sa babae ni Rolando.

“Nagipit ka ngayon kasi may babae ka na. Noon alam mo ‘yan sa sarili mo na ang laki ng binibigay mo kasi malakas kang kumita. Totoo ‘yun, ₱6000 talaga ang lingguhang budget namin kasi may nag-aaral ako, lahat namin doon kinukuha. Magkasama pa kami lahat no’ng anak ko na lalaki na may asawa na. Ngayon kasi sa nangyayari, ‘yung ₱6000 kumokonti nagiging ₱4000 na lang hanggang sa nagbibigay na lang siya ng ₱1,500,” ani Liza.

“[…] Araw-araw kumikita ka, alam namin kung gaano kalaki ‘yung kita mo,” sabi ni Liza kay Rolando.

Paliwanag ni Rolando, paiba-iba raw ang halaga ng kinikita niya lalo’t may nararamdaman daw siya sa katawan niya. Nagbibigay rin daw siya sa anak niya sa legal niyang asawa na nag-aaral.

Nagtitinda naman si Liza ng isda na kumikita ng ₱200 kada araw na ginagamit niyang panggastos sa kaniyang apo at pangkain sa bunsong anak.

Pinaalalahanan naman ni Atty. Cruz si Liza na hindi lamang ang tatay ang dapat bumubuhay sa anak.

“Hindi lamang po obligasyon ng tatay na pag-aralin, sustentuhan, or bigyan po ng pangkain, bubong na tutulugan ang mga anak, ayan din po ay responsibilidad din ng isang ina,” aniya.

Sa huli, nangako pa rin si Rolando na patuloy pa rin siyang magbibigay ng ₱500 araw-araw kay Alexandra. Pumayag naman din ang anak niya kung magkano lang kayang ibigay ng ama.

“Mahal na mahal ko kasi ‘yan. Gusto ko siya mag-aral, matapos. Hindi dapat humantong sa ganito. Ayokong magkahiyaan tayo rito. Siya na lang ang nag-iisang anak ko na gusto kong makatapos kaya pinagsikapan ko na igagapang ko siya. Pangako sa kaniya igagapang ko ‘yung pag-aaral niya. Pangarap kong makatapos siya,” mensahe ni Rolando.

“Wala naman po akong galit sa kaniya. Nag-thank you pa nga po ako sa kaniya kasi gusto ko po maka-graduate kasi po gusto kong suklian lahat ng mga ginastos niya po sa akin, sina ni Mama. Thank you po,” saad naman ni Alexandra at saka yumakap sa ama.