Tinatayang 12.9 milyong mga pamilyang Pilipino ang naniniwalang sila ay “mahirap,” ayon sa inilabas na resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Huwebes, Abril 25.
Base sa First Quarter 2024 survey ng SWS, 46% pamilyang Pinoy ang nagsabing napabibiliang sila sa harap ng mahihirap.
Nasa 23% naman daw ang naniniwalang hindi sila mahirap, habang 30% ang nagsabing sila ay nasa borderline o nasa pagitan ng mahirap at hindi mahirap.
Ayon sa SWS, halos kapareho lamang ang naturang bilang kumpara sa datos noong fourth quarter ng 2023, kung saan 13 milyon o 47% ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabing sila ay nasa mahirap na hanay.
“Compared to December 2023, the percentage of poor families hardly changed from 47 percent, while borderline families barely moved from 33 percent, and not poor families rose slightly from 20 percent,” anang SWS.
Isinagawa raw ang nasabing survey mula Marso 21 hanggang 25, 2024 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 respondents na ang edad ay 18 pataas.