Halos manlumo ang jeepney driver na si Mark Joseph Pede matapos mapasama sa sunog ang kanilang bahay sa Barangay Fort Bonifacio, Zone 3, Taguig City, nitong Abril 23, 2024.

Bukod sa mga naabong tirahan at ari-arian, triple ang problema ni Pede dahil kasama sa mga nasunog ang hiniram niyang ₱300,000 sa isang kamag-anak.

Ang malaking halagang ito ay gagamitin niya sana upang bumili ng sariling pampasaherong jeepney, upang hindi na siya nagbibigay ng boundary sa kaniyang pamamasada.

Hindi ngayon malaman ni Pede kung paano raw magsisimula sa pagbangon, lalo't may malaking utang pa siyang kailangang bayaran.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Kuwento ni Pede, hindi na naisalba ang pera dahil mas inuna raw ng kaniyang misis na iligtas ang kanilang bunsong anak na na-trap sa loob ng bahay.

Siya naman ay nasa trabaho nang mga sandaling maganap ang insidente.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nasa 11 kabahayan ang nadamay sa sunog na umabot sa ikatlong alarma.

Samantala, nanawagan naman ng tulong ang mga netizen para kay Pede at sa iba pang naapektuhan ng sunog.

Kinakalampag din ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung posibleng matulungan si Pede at mapalitan ang mga natupok na pera dahil sa sunog.