Kinumpirma ni Atty. Rebo Saguisag ang pagpanaw ng kaniyang amang si dating senador Rene Saguisag nitong Martes, Abril 24.

Sa kaniyang Facebook post, hiniling ni Rebo na bigyan sila ng kaniyang pamilya ng ilang panahon para makapagluksa nang pribado.

“We will soon announce details of the service honoring his life, and we look forward to the opportunity to gather and pay tribute to a life lived with integrity and purpose,” anila.

Sa kaniyang pagpanaw, alalahanin natin ang makabuluhang kontribusyon ni Rene sa bayan. 

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ayon sa website ng senado, isinilang siya sa Mauban, Quezon noong Agosto 14, 1939. Natapos niya ang pag-aaral sa primaryang antas sa Makati Elementary High School noong 1951 samantalang sa Rizal High School naman niya natapos ang sekondaryang antas noong 1955.

At pagtuntong niya ng kolehiyo, nag-aral si Rene sa San Beda College. Nakuha niya ang Bachelor of Arts degree noong 1959 na may kasamang karangalan. Samantala, cum laude naman siya nang matapos niya ang degree sa Bachelor of Laws noong 1963.

Ang mga natutuhan niya sa loob ng pamantasan ay ginamit ni Rene para ipagtanggol ang mga ginigipit at inaabuso. Nang sumiklab ang Batas Militar noong 1972, nagsilbi siya bilang abogado sa mga bilanggong politikal.

Dahil sa kaniyang pagpalag sa diktadurya, nalagay sa panganib ang buhay ni Rene. Nakulong siya nang ilang buwan. Pero nang lumaya, sumapi sa Free Legal Assistance Group (FLAG) ng dating senador na si Jose Diokno. Kalaunan, binuo naman niya ang MABINI kasama ang kapuwa abogadong si Joker Arroyo. 

Nang manalong senador noong 1987, hindi kailanman lumiban si Rene sa mga sesyon nila sa senado. Isa sa mga mahalagang naiambag niya ay ang pag-aakda ng RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Iminamandato ng naturang batas ang pagpapanatili ng pananagutan ng mga lingkod-bayan sa mga mamamayang nagluklok sa kanila sa pwesto.

At dahil sa kontribusyong ito ni Rene sa bayan, mananatiling buhay ang alaala niya sa maraming Pilipino. Sabi nga ng kaniyang anak: “...his spirit will continue to inspire us to strive for a more just world.”