Ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapabura sa mga nakikita o bantad na tattoo sa katawan ng mga pulis habang bawal na rin sa aspiring police ang pagkakaroon nito.

Sa isinagawang press conference nitong Lunes, Abril 22 sa Camp Crame, ipinaliwanag ni PNP-Public Information Office (PIO) chief Police Col. Jean Fajardo na ipatutupad na ang nakasaad sa Memorandum Circular 2024-023 na inaprubahan pa noong Marso 19, 2024.

Nakasaad umano rito na kailangang burahin o alisin ang mga tattoo ng uniformed, non-uniformed, at civilian police lalo na ang mga nakalantad o kitang-kita.

Paliwanag ni Fajardo, bagama't sinasabing isang porma ng sining at ekspresyon ng sarili ang tattoo, hindi raw magandang tingnan sa kapulisan na masyadong burdado ng tattoo.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Maliban sa pagtatanggal ng tattoo, kinakailangan din umanong magpasa ng affidavit ang isang pulis na nag-alis ng tattoo na hindi na siya magdaragdag pa sa alinmang bahagi ng kaniyang katawan, tago o hindi tago.

Papayagan naman ang mga tinatawag na "aesthetic tattoos" sa kilay, eyeliner at lip tattoo.

Kapag tumanggi raw ang sinumang pulis sa kautusang ito ay maaaring maharap sa kasong administratibo.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon mula sa netizens.

"Tattoo is an expression and art, and I think wala namang masama rito?"

"Yes tama lang para malinis tingnan, dahil aminin natin, nandun pa rin ang stigma na kapag may tattoo ka, parang hindi ka gagawa nang maganda."

"Ano bang masama sa tats? Masyado naman."

"Wala nga naman silang pinagkaiba sa mga preso."